Eksena sa Van

Iyon ang pangalawang beses kong sumakay ng van sa terminal na yun. Dumaan naman sa Northgate noong unang beses akong sumakay kaya ‘di ko na tinanong kung dadaan pa sila.

Nang papasok na kami sa Alabang, nagtanong ako sa drayber, “Kuya magno-Northgate <take note, the word was pronounced with the distinct th sound, trying to impress, haha> po ba kayo?”

Sagot niya, “Hindi. Kasi pinagbabawalan kami sa may Alabang-Zapote Road.”

“Eh sa Bridgeway po?” Kahit maglakad na lang ako papasok, sabi ko sa sarili ko.

“Di nga kami pwede do’n,” pabalang na sagot ng drayber.

Nagpanting ang tenga ko. “Bakit po bawal? Samantalang kagabi, pwede pa..”

“Hindi nga pwede.”

“Pag babae nagsabi, pwede. Pero pag lalaki, hindi pwede. Anong tawag nyo don?? Pare-pareho lang naman po kaming nagtatrabaho.”

Medyo nagka-tensyon sa loob. “Kung gusto mo, ikaw na mag-drive.”

Parang nakasalang na ako noon sa malakas na apoy. Kumukulo ang dugo ko. Pero kalma ko pa ring sinabi sa drayber na, “Hayaan nyo Kuya at pag yumaman ako, bibili ako ng sarili kong sasakyan para wala na kayong inihahatid sa Northgate. Pero pag nangyari yun, bibilhin ko rin ang mga kalsadang dinadaanan mo. Huwag po kayong mag-alala kasi makakadaan pa rin naman kayo. Yun nga lang, may bayad sa bawa’t ikot ng gulong mo sa mga magiging kalsada ko.”