Si Aling Rosa

Matanda na si Aling Rosa. Limang taon na lang, fifty years old na siya. Hiwalay na siya sa kanyang asawa. Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng kanilang hiwalayan. Bagong salta lang ako sa aming village. Ipinamana sa aking asawa ang bahay na tinitirhan namin ngayon. Kaya, hindi ko pa kilala ang mga kapitbahay namin. Maliit lang naman ang village, pero hindi rin naman required kilalanin ang mga kalapit-bahay. Ngunit sa isang banda, isang malaking tulong kung kilala mo ang iyong mga kapitbahay para may mahingan ka ng tulong sa oras ng pangangailangan.

Once a month ang schedule ng homeowners’ gathering. Hindi kami nakakadalo ni misis dahil laging natataon ang monthly meeting sa kumpanyang pinapasukan namin bilang mga medical representative. Kaya noong inilipat ng Linggo ang kitaan, nagdesisyon kaming dumalo. First time namin kaya hindi namin alam kung ano ang mga ginagawa nila.

Sinimulan namin ang programa ng isang maikling panalangin, na kinagawian na yata ng lahat ng pagtitipon sa Pilipinas. May pambungad na pananalita ang pinakapangulo. Nagbigay ng update ang pinaka-treasurer. Pinag-usapan din ang proposal na pagtatayo ng mini-mart na patatakbuhing parang kooperatiba ng mga gustong mag-ambag sa pondo. Sinabi ng pinakapangulo na imbes na mamili sa labas, sa itatayong mini-mart na lang sila bibili. Naisip din naming mag-asawa na maganda ang suhestyon nila. Gagastos lang din naman kami sa supermarket sa mga mall, sa kooperatiba na lang bibili, kikita pa.

Pagkatapos ng medyo seryosong usapan, pinagsalu-saluhan na namin ang mga ambag na pagkain. Dahil wala naman kaming gagawin, nagdesisyon kaming mag-asawa na magtagal sa kasayahan. Handang-handa kami dahil may baon kaming panligo sa pool. Dito namin nakilala sa unang pagkakataon si Aling Rosa.

Lumapit siya sa amin. Malayo pa lang, amoy ko na ang yosi, kahit pa pilit niyang itinatago sa pamamagitan ng pabango. Okey naman si Aling Rosa. Mahilig lang mag-share ng tsismis. Madaldal siya. Maraming kuwento. Updated kahit sa buhay ng mga kilalang artista. Na kesyo si ganito ay kabit ni ganon. Si aktres ay may anak sa labas. At marami pang iba. Kahit sa mga kuwento tungkol sa ibang kapitbahay, ikwinento din niya.

Laking mayaman si Aling Rosa. Sanay sa karangyaan. Hindi sanay makihalubilo sa mga mas mababa ang antas ng pamumuhay. Sa mangilan-ngilang pagkakataon na nakasama namin siya sa pagtitipon, na-realise naming siya ay mahilig mambully pero pikon kapag siya na ang napagbuntunan ng katatawanan ng mga kapitbahay.

Napag-usapan naming mag-asawa na mabuti na lang din pala at hindi kami masyadong nakipagkaibigan kay Aling Rosa. Natakot kaming baka sa pagkakataong hindi namin siya mapagbigyan sa kung anuman ang hilingin sa amin ay gawan kami ng masamang kuwento sa iba naming kapitbahay. Sabi nga nila, kung ang isang tao ay mahilig manira ng kaibigan o kapwa sa ibang tao, malamang ay kaya din niyang gawin ito sa lahat ng tao.

Advertisements

Lima

Limang buwan na pala. Limang buwan na kitang hindi nakikita. Pinilit ko ang aking sarili na itigil na ang pagteteks ko sa iyo. Pinilit ko ang aking sarili na huwag nang pumunta sa tagpuan natin.

Ngunit nais kong malaman mo na nami-miss pa rin kita. Gusto kitang makita. Gusto kitang mayakap. Gusto kitang maihatid sa boarding house mo. Gusto kitang kumustahin. Gusto kong malaman kung ano ang kalagayan ng paggagamot mo tuwing Miyerkules.

Nais kong malaman mo na nalulungkot ako dahil ikaw pa ang nagkaroon ng blood cancer. Gusto kong ipakita sa iyo ang kagandahan ng sunrise at sunset sa tuktok ng bundok at sa tabing-dagat. Naiiyak ako palagi kapag naaalala ko ang sinabi mong, “Dok, wala na ba akong chance na maranasan man lang ang adulthood?”

Limang taon na lang ang taning sa iyo o maaring mas maikling panahon pa. Gusto kong ibuhos ang limang taon ng buhay ko sa iyo. Ngunit ayaw mo. Ayaw mong maramdaman ang aking nararamdaman. Ayaw mong magkaroon ng feelings dahil ayaw mong maranasan ang depression sa huli.

Limang buwan na kitang naiisip bago ako matulog, pagkagising ko sa umaga, sa tuwing nag-iisa ako, sa tuwing napapadaan ako sa ating tagpuan, sa tuwing naririnig ko sa radyo si Lady Gaga, sa tuwing umiinom ako ng vodka, sa tuwing ini-stalk ko ang iyong social media accounts, at sa tuwing mag-isa ako sa aking kuwarto.

Limang taon na lang ang nalalabing panahon mo. Limang taon na lang ang aking tsansa. I really need closure, kahit limang minuto lang with you.

Pakitang-Tao

Alas-dos ng madaling araw. Kadarating ko lang sa Maynila. Medyo malamig ang hangin. Buti na lang, nakasuot ako ng sweater. Gusto ko sana mag-Grab pauwi sa bahay pero iniisip ko ang pamasahe. Mahal. Wala naman akong hinahabol na meeting o appointment.

Nagpasya akong maglakad pa-EDSA. Tahimik ang kalsada. Parang walang nagdaang putukan. Medyo malinis ang lansangan. Walang bakas. Baka naman nakapaglinis na agad. O biglang nagkadisiplina ang mga tao at sumunod sa batas na bawal nang magpaputok. May mga bahaging mabaho. Di ko alam kung dahil sa imburnal o sa iba pang dahilan. May mangilan-ngilang nakatambay. Abala pa rin ang mga nadaanan kong terminal ng bus.

Biglang nag-vibrate ang celfone ko. Di ko sana sasagutin, pero dahil nakalagay ang earphones ko ay awtomatikong nasagot ang tawag.

“MATTEOOOO!!!” Ang aga-aga pero medyo malakas ang boses ng nasa kabilang linya. “Hello. Yes?,” malumanay kong sagot.

“Nasa Maynila ka na ba? Tara sa La Union.” Napaisip ako. Kadarating ko lang sa Maynila, gagala na naman ako.

“Pasensya na, bro. Kararating ko lang. Baka hindi na ako pauwiin sa bahay kapag umalis na naman ako.” Sabi ko sa kausap ko.

Nakarating na ako sa EDSA. Nag-abang ako ng bus sa harap ng Jollibee, sa ilalim ng overpass. Hindi iyon ang designated stopover. Ngunit minsan, nagiging pasaway ako. Ginagaya ang ibang mga tao na nag-aabang ng masasakyan sa lugar na iyon. Madaling-araw naman. Tulog pa ang batas-trapiko. Tulog pa ang mga pulis.

Sumakay na ako sa unang bus na dumaan. Ordinary bus lang. Pero okey lang naman dahil maaga pa naman. Di pa mainit para magbiyahe. Pagkasakay ko, napansin kong pito lamang kaming pasahero. Idagdag mo ang drayber at konduktor. Bale siyam kaming nakasakay sa lumang bus na bumagtas sa kahabaan ng EDSA. Mabilis magpatakbo si Mamang Drayber. Hindi rin siya naghihintay ng pasahero. Kapag walang bababa o sasakay ay hindi siya nagtatagal sa mga stopover.

Pagdating sa Magallanes station ng tren, may pumarang pasahero. Nang babalik na ang bus sa linya ng trapiko para sa Alabang, may humarang na dalawang bus. Akala ko ay magbababa ng pasahero sa elevated na kalsada. Sabi pa ni Mamang Drayber, “Mali iyang ginagawa nila.” Mali nga naman ang magbaba ng pasahero sa hindi tamang babaan. Bukod sa nakakaabala sa daloy ng trapiko, inilalagay pa ang buhay ng mga tao sa alanganin.

“AKIN MUNA!!” May narinig akong sigaw mula sa mga bumababang tao sa bus na nasa harapan. Tiningnan ko ang nangyayari. Naglilipat pala ng pasahero. “Anim na Alabang, apat na Sucat, dalawang Bicutan.” Nag-mental-Math ang konduktor ng bus na sinasakyan ko. Magaling! Mabilis mag-compute. Parang may nangyaring palitan ng epektos. Mabilis. Walang bakas.

Ngunit, akala ko ba ay mali ang ginagawa ng dalawang bus sa unahan. Natawa ako sa isiping pumayag na rin ang drayber namin dahil nanghihinayang siya sa kikitain. Mula sa pitong pasahero ay biglang napuno ang bus. Kinandong ko na ang aking mabigat na backpack na kanina ay katabi ko.

Everything is nothing until it becomes personal.

Naging relevant na naman ang aral na napulot ko sa pagbabasa ng maikling kuwento na “The Lottery.” Napaisip ako kung ganoon din ba ako. Napangiti ako. Oo, inaamin ko. Sadya sigurong ganoon lahat ang mga tao. Hindi kayang isabuhay ang “walk the talk” na sistema. Katulad ng kakilala kong palasimba at tila di-makabasag-pinggan kapag nasa harap ng mga istranghero, pero hindi pala mainam ang pakikitungo sa mga kakilala.

Sana hindi ako malulong sa droga na tawagin natin ay “pakitang-tao”.

Samu’t Sari

Sa pagpasok ko sa trabaho sakay ng dyip at sa aking mga paglalakad pauwi, marami-rami na rin akong nakita, narinig at naobserbahang taliwas sa aking mga paniniwala at naiiba sa kung ano ang alam kong tama o mali.

Lagi kong naiisip kung bakit may ibang pasahero sa dyip na ayaw umusod at paupuin ang kapwa pasahero. Tila yata napakahirap sa kanila ang gumalaw at umayos ng upo para lahat ng pasahero ay maayos na makaupo. Oo, may mga drayber talagang nagpupuno ng dyip, naghihintay ng pasahero at tumitigil sa bawa’t kanto, hindi natin sila masisisi dahil kailangan nilang kumita. Ngunit huwag na sana tayong dumagdag sa mga pasaway na ayaw man lang umayos ng upo. Ang ibang lalaki, kung makabukaka, akala mo naman ay napakalaki ng kanilang pag-aaring laman sa pagitan ng kanilang mga hita. Ang ibang babae naman, akala mo, nakasakay sa pribadong sasakyan, akala mo ay mala-prinsesang patagilid na nakaupo.

May mga taong tagasigaw at tagatawag ng pasahero kapag may nakatigil na pampasaherong sasakyan. Karaniwan nilang isinisigaw ang mga daraanang kanto ng sasakyan. Nakagawian na ng mga drayber ang magbigay ng pera sa dispatsador bago nila paandarin ang sasakyan. Minsan, may nataunan akong nag-aaway na dispatsador at drayber ng dyip. Sabi ng drayber, “magtrabaho ka naman, oy, hindi iyong parang humihingi ka lang ng pera sa mga drayber.” Sa isip ko, sumang-ayon ako kay Mamang Drayber. Oo nga naman, kung lahat ng dadaang dyip ay magbibigay ng lima o sampung piso sa dispatsador na ang ginagawa lang ay sumigaw, daig pa niya ang kita ng mga pumapasok sa opisina.

Ang ilang kabataan ngayon, hindi ko na mawari kung anong klaseng pagpapalaki ang kinagisnan nila. Magaslaw. Maligalig masyado. Bastos kung magsalita. Walang pakialam sa mga taong nakapaligid. Kung anu-ano ang mga ginagawa kapag nasa loob ng dyip. Pinagtatawanan ang mga matatanda. Pinagtatawanan ang mga pangit.

Lagi akong kumakain ng agahan sa kantina ng opisina namin. Lagi ring dinadala ng ibang kumakain doon ang ketsap sa kanilang lamesa. Natatawa ako dahil hindi sila marunong gumamit ng maliliit na lagayan na nakatabi sa mg alagayan ng condiments.

May mga tao namang wala din sa lugar kung magalit o mangaral sa ibang tao (anak, kasamahan sa trabaho o kaibigan). Kung magbitiw sila ng pangaral, wala silang pakialam kung sa harap ng ibang tao o sa harap ng pagkain o sa loob ng simbahan. Hindi man lang nila naiisip na baka naipapahiya na nila ang kanilang pinapagalitan.

Marami pa akong naoobserbahan. Pero hanggang dito na lang muna. Saka na lang ulit.

Ang mga Naghaharing Uri sa Dyip

Maaga akong pumasok. Dahil maaga ako uuwi mamaya. Buti na lang may flexi-time. Ganado ako magtrabaho ngayong araw. Pero tila hindi maaayos ang tulog at gising ng mga kasakayan ko sa dyip.

Punuan, isa o dalawa na lang yata ang kulang. Naabutan ko na isang aleng nag-ookupa sa pwesto ng dalawang tao, in short, mataba siya. Wala namang masama sa pagiging mataba. Kaso nga  lang, si Ale, hindi marunong umipod. Nakasalampak na parang nakaupo sa sofa. Nakaupong parang nasa loob ng bahay. Nakaupong parang miyembro ng royal family. Parang ayaw ng katabi. Parang ayaw ng kasama sa loob ng dyip.

Nagsalita si Bunsong Estudyante. “Ate, pausod naman po.” Parang inalog lang ni Aleng Mataba ang mga bilbil. Hindi naman talaga siya umayos ng upo. Nahiya siguro si Bunso. Pinagkasya ang sarili sa kakarampot na espasyo.

Hindi siguro nakatiis si Tatay na nasa harap nila. “Miss, paayos ng upo. Hindi na makaupo iyong bata.” Nakita ko kung paano sinimangutan ni Aleng Mataba si Tatay.  Nainis siguro si Tatay.  “Okey lang sana kung dalawa ang binayaran mo na pamasahe. Ang taba mo na nga, hindi mo pa makuhang umayos ng upo.”

“Ako ang naunang sumakay. Mataba ako e. Pasensya siya.”

Hala, doon na nagsimula ang bangayan sa dyip. Mainit ang mga ulo nila. Hanggang sa makarating sa Bicutan ay nagpapalitan ng maanghang na salita si Aleng Mataba at si Tatay. Nakisali na rin ang katabi ni Tatay na si Ateng Propesyonal.

Para sa akin naman, wala namang masama kung mataba ka, ganado sa pagkain, kumakain ng sampung beses sa isang araw. Pero sana naman, kung nakikisakay lang sa isang pampublikong transportasyon, matuto naman sana tayong umusod, umipod o umayos ng upo upang lahat ay makaupo. Huwag mong pagdiskitahan ang mga drayber na pinupuno ang dyip dahil sila lang naman ay naghahanapbuhay. Hindi naman nila pipiliting makaupo ang sampung katao sa isang hilera na pang-waluhan lamang. Kung tayo ay mataba at kitang-kita namang naookupahan natin ang para sa dalawang tao, magboluntaryong magbayad para sa dalawa.

O, sa susunod, alam mo na dapat ang tama at saktong pagsakay sa dyip. 🙂

Si Iris

Kahapon ay sinubukan kong tumambay sa isang bagong tayong coffee shop. Parating ang bagyong si Nina kaya medyo hindi matao ang lansangan. Nakakatamad din kasing lumabas kapag umaambon at medyo malamig ang ihip ng hangin. Mas maigi pang mamaluktot at magkumot sa kama.

Si Iris ang cashier. Magiliw naman siyang nakipag-usap sa akin habang ako ay nagbibigay ng order. At dahil nakakabighani ang kaamuhan ng kanyang mukha, umupo ako malapit sa counter at nakaharap sa kanya.

Nagpanggap akong busy sa aking ginagawa. Ngunit di ko mapigilang lumingon sa kung saan siya nakapuwesto. Minsan, may kausap siyang kustomer. Higit siyang gumaganda kapag ngumingiti siya. Minsan, kausap niya ang kanyang katrabaho. Sinisikap kong hulihin kung mayroon siyang suot na singsing, pero wala ako makita. Baka bawal sa kanila. At natawa ako sa aking sarili nang maisip ko ang una naming date. Masyadong mabilis.

Babalikan ko si Iris. Gusto ko ulit makita ang kanyang matamis na ngiti.