Ang mga Naghaharing Uri sa Dyip

Maaga akong pumasok. Dahil maaga ako uuwi mamaya. Buti na lang may flexi-time. Ganado ako magtrabaho ngayong araw. Pero tila hindi maaayos ang tulog at gising ng mga kasakayan ko sa dyip.

Punuan, isa o dalawa na lang yata ang kulang. Naabutan ko na isang aleng nag-ookupa sa pwesto ng dalawang tao, in short, mataba siya. Wala namang masama sa pagiging mataba. Kaso nga  lang, si Ale, hindi marunong umipod. Nakasalampak na parang nakaupo sa sofa. Nakaupong parang nasa loob ng bahay. Nakaupong parang miyembro ng royal family. Parang ayaw ng katabi. Parang ayaw ng kasama sa loob ng dyip.

Nagsalita si Bunsong Estudyante. “Ate, pausod naman po.” Parang inalog lang ni Aleng Mataba ang mga bilbil. Hindi naman talaga siya umayos ng upo. Nahiya siguro si Bunso. Pinagkasya ang sarili sa kakarampot na espasyo.

Hindi siguro nakatiis si Tatay na nasa harap nila. “Miss, paayos ng upo. Hindi na makaupo iyong bata.” Nakita ko kung paano sinimangutan ni Aleng Mataba si Tatay.  Nainis siguro si Tatay.  “Okey lang sana kung dalawa ang binayaran mo na pamasahe. Ang taba mo na nga, hindi mo pa makuhang umayos ng upo.”

“Ako ang naunang sumakay. Mataba ako e. Pasensya siya.”

Hala, doon na nagsimula ang bangayan sa dyip. Mainit ang mga ulo nila. Hanggang sa makarating sa Bicutan ay nagpapalitan ng maanghang na salita si Aleng Mataba at si Tatay. Nakisali na rin ang katabi ni Tatay na si Ateng Propesyonal.

Para sa akin naman, wala namang masama kung mataba ka, ganado sa pagkain, kumakain ng sampung beses sa isang araw. Pero sana naman, kung nakikisakay lang sa isang pampublikong transportasyon, matuto naman sana tayong umusod, umipod o umayos ng upo upang lahat ay makaupo. Huwag mong pagdiskitahan ang mga drayber na pinupuno ang dyip dahil sila lang naman ay naghahanapbuhay. Hindi naman nila pipiliting makaupo ang sampung katao sa isang hilera na pang-waluhan lamang. Kung tayo ay mataba at kitang-kita namang naookupahan natin ang para sa dalawang tao, magboluntaryong magbayad para sa dalawa.

O, sa susunod, alam mo na dapat ang tama at saktong pagsakay sa dyip. 🙂

Advertisements

Si Iris

Kahapon ay sinubukan kong tumambay sa isang bagong tayong coffee shop. Parating ang bagyong si Nina kaya medyo hindi matao ang lansangan. Nakakatamad din kasing lumabas kapag umaambon at medyo malamig ang ihip ng hangin. Mas maigi pang mamaluktot at magkumot sa kama.

Si Iris ang cashier. Magiliw naman siyang nakipag-usap sa akin habang ako ay nagbibigay ng order. At dahil nakakabighani ang kaamuhan ng kanyang mukha, umupo ako malapit sa counter at nakaharap sa kanya.

Nagpanggap akong busy sa aking ginagawa. Ngunit di ko mapigilang lumingon sa kung saan siya nakapuwesto. Minsan, may kausap siyang kustomer. Higit siyang gumaganda kapag ngumingiti siya. Minsan, kausap niya ang kanyang katrabaho. Sinisikap kong hulihin kung mayroon siyang suot na singsing, pero wala ako makita. Baka bawal sa kanila. At natawa ako sa aking sarili nang maisip ko ang una naming date. Masyadong mabilis.

Babalikan ko si Iris. Gusto ko ulit makita ang kanyang matamis na ngiti.

Buti Pa Si Ate, Madaling Naka-Move On

Bonifacio Day. Araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio. Birth anniversary. Ang titulong Gat ay para sa mga bayani. Dalawang impormasyon para sa mga taong hindi alam ang Gat at kung ano ang kahalagahan ng ika-30 ng Nobyembre.

Ngunit hindi iyan ang laman ng aking kuwento ngayong araw. Sabi nga ni Mamang Drayber, halidi daw ngayon. Pero ako ay papasok sa trabaho, overtime, na hindi puwedeng singilin. May kailangan akong tapusin. Naghahabol ako ng deadline.

Heto na nga, sumakay ako ng dyip na may karatulang Pasay MOA. Nadatnan ko na doon ang isang nanay na kasama ang dalawang cute na cute na anak, at dalawang magkaibigang babae. Nag-uusap ang magkaibigang babae. Tungkol sa pag-ibig. Whew! Usapang pag-ibig sa umaga. Medyo mabigat sa loob.

Kaibigan 1: So paano kayo nag-break?

Kaibigan 2: Simple lang. Nag-usap kami. Nagsabihan ng disappointments. Nagsabihan ng what-ifs?

K1: Pinag-usapan pa ninyo ang what-ifs? Para saan pa?

K2: Ina-assess namin kung pwede pa maisalba.

K1: Pero paano ka nag-move on?

K2: Tinulungan ako ng iba naming kasama sa trabaho. Basta noong uwian na, pinilit akong isinama sa ruta nila pauwi para lang hindi kami magkasabay. Inikot-ikot ako hanggang sa EDSA, sa Guadalupe, tapos ibinalik ako sa MRT Pasay.

K1: E paano iyong the morning after?

K2: Okey na ako. Madali lang akong nag-move on.

Sa loob-loob ko, wow! ambilis mag-move on ni Ate, buti pa siya. Kung ang lahat ng tao kagaya niya, wala na sanang nagsu-suicide dahil sa sakit na nadama. Wala na rin sanang tumatambay sa Roxas Boulevard sa oras ng sunset o kaya ay sa hatinggabi para tahimik na makaiyak at kausapin ang mga alon at bituin.

Kaya siguro sila naghiwalay, wala na talaga silang nadarama sa isa’t isa, mabilis na naka-move on si Ate. Pero bumilib talaga ako sa kanya! What a Taylor!

Nagbibihis ang Bicutan

Isa o dalawang buwan pagkaupo ng kasalukuyang Pangulo ng bansa, nalinis na rin ang bahaging rotonda ng Bicutan papunta sa Camp Bagong Diwa. Napaalis na ang mga ilegal na nagtitinda sa gilid ng daan, na sa totoo lang naman ay nakakasikip. Nakakarindi. Nakakainis dahil kasama sila sa dahilan ng pagsisikip ng kalsada. Sila ang nasa bangketa. Ang mga taong naglalakad, nasa kalsada na mismo naglalakad. Na nagiging dahilan ng pagsisikip ng kalsada para sa mga sasakyan.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng walong taon, ngayon ko lang naranasan ang malinis na bangketa — walang sidewalk vendor. Nakakatawa nga dati, nagtayo pa ng maliliit na tindahan na nakakabit sa bakod ng isang ahensya ng gobyerno. Ang bangketa ay ibinigay sa malilit na kapitalistang nagbebenta ng mga bagay-bagay na inangkat na kwestyonable ang kalidad, gawa sa plastik at madaling masira.

Sa mall naman, nadadagdagan ang mga establisiyementong kilalang pang-alta-sosyedad. Nandiyan ang kapihang hindi maintindihan ng nakararami kung bakit ganoon na lang ang presyo. Ang tindahan ng donat na kung tutuusin ay mukhang binilog lang naman na harina, nilagyan ng asukal o kaya ay binalutan ng kung anu-anong sangkap.

Nagbibihis ang Bicutan. Lumalabas na ang higit na marangya nitong kulay. Gumagrabe din ang lagay ng trapiko.

Usapan sa Dyip

Long weekend na naman. Dadagsa na naman ang mga tao sa lansangan, hindi para magprotesta, kundi para mag-abang ng masasakyan pauwi ng kani-kanilang probinsya. Suwerte ang mga may reservation dahil hindi na sila magpapakahirap sa pagpila bilang chance passenger.

Hindi lang terminal ng mga bus ang punuan. Pati ang lansangan, puno ng dyip at pribadong sasakyan. Lahat abala sa pag-uwi. Lahat nag-uunahan. Pilit inuunahan ang traffic jam ng Metro Manila dahil tunay namang pinakamasamang lagay na yata ng trapiko ito. Masyadong maraming sasakyan. Masyadong maraming tao sa Maynila. Kailangang magbawas. Kailangang bumalik na sa probinsya ang mga wala namang matinong trabaho sa Maynila. Napapanahon na siguro ang federalismo. Hahaha.

Sumakay ako ng dyip na lima lang ang nasa loob: magkatabing dalawang babae sa gitna ng mahabang upuan sa likod, mag-asawa siguro ang nasa harapan, at obkors, si Mamang Drayber.

Naabutan kong nag-uusap ang dalawang babae. Tungkol sa amoy ng kani-kanilang asawa pagkagaling sa trabaho. Sa bagal ng usad ng takbo ng dyip, hindi ko naman mapigilang marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

B1: Asawa ko, pag-uwi galing trabaho sa hapon, amoy-araw.
B2: Hubby ko din.
B1: Dati di naman siya ganon. Ngayon na lang.
B2: Okey na yan. Dahil ang lalaki, mabaho talaga. Pero di ba, okey lang naman ang pagkabaho nila.

Nakakatawa minsan. Hindi ko malaman kung mga Westerner lang ang racist at sexist. Ang mga Pinoy, nagagalit kapag nakakarinig ng masamang balita tungkol sa Pilipinas o sinisiraan ang pagkatao ng mga Pilipino. Pero tayo mismo, gumagawa din ng stereotyping. Katulad niyan, ang mga lalaki, dapat hindi mabango. Dahil kapag mabango, hindi yan lalaki. Ang mga babae, dapat mabango. Kapag hindi mabango, hindi malinis sa katawan. Dugyot.

Marami pang iba. Pero sa susunod na lang. Para may mapagkuwentuhan tayo kapag nagkasabay tayo sa dyip o sa paborito kong kapehan.

Si Crush at Ako sa Gitna ng Traffic Jam

Alas sais trenta pa lang ng umaga pero gayak na ako para pumasok sa trabaho. Naisipan kong sumakay pero nanghinayang ako sa disisyete-pisong pamasahe sa traysikel papunta sa service road na kung saan dumadaaan ang mga dyip. Kaya, nagpatuloy ako sa paglakad. Nang malapit na ako sa hintayan ng dyip, bigla akong may nakita…

Parang anghel na bumaba sa kalangitan. Nakadamit ng brown. Naka-maong. Naka-backpack. At nakalugay ang buhok. Inililipad ng hangin ang buhok. Nauuna ako sa kanya sa lakaran kaya binagalan ko ang paglalakad. Kunwari, napapatingin ako sa dinadaanan kong gusali, umakma akong may tinitingnan o hinahanap. Nang hindi ko na mapigilan, lumingon ulit ako sa kung saan siya naroroon. Medyo alun-alon ang buhok pala niya. Bumalik ulit ako ng tingin sa aking harapan.

Pagtingin ko ulit sa aking likuran, nawala siya. Tumigil pala siya sa dinaanang tindahan. May binili. Tumigil ako sa paglalakad. Kunwari may nakalimutan ako. Nagkunwari akong naglakad pabalik. Tumigil sa tapat ng isang computer shop, kunwari, may tini-text. Nang mapansin kong nakabili na siya at naglalakad na ulit papunta sa hintayan ng dyip, naglakad na ulit ako. Dahan-dahan lang. Parang a walk in the park.

May humintong dyip na may karatulang MOA, hindi puno. Dadaan sa pupuntahan ko. Pwede na ako sumakay. Pero hindi ko ginawa. Gusto ko siyang makasabay. At kung susuwertihin, baka magkatabi pa kami.

Hindi umuusad ang mga sasakyan. Dahil napansin kong hindi siya natitinag sa pagkakatayo, nagdesisyon na akong habulin ang dyip na nakalampas sa amin. Sumakay na ako. Medyo nalungkot ako dahil akala ko magkakasabay kami sa dyip. Pakunsuwelo na lang na alam ko kung saan siya nanggaling kanina. At least, pwede na ako tumambay sa labas ng geyt para abangan siya. Hindi na ako magbabakasakali sa karinderya. Oo, nagkasabay na kami dati pa. Dalawang beses.

Makalipas ang isa’t kalahating minuto, napansin kong naglalakad na siya. Nainip siguro sa daloy ng trapiko. Lumampas siya sa dyip na sinasakyan ko. Tiningnan pala niya ang karatula. Bumalik siya at sumakay sa dyip! Umipod ako para nakahanda na ang uupuan niya sa tabi ko. Nasabi ko na lang sa sarili ko, akalain mo nga naman kapag sinusuwerte ka.

Pagkaupo niya, binuksan niya ang kanyang backpack. May lamang puting hardhat. Engineer siguro siya. Marahil ay sa planta siya nagtatrabaho. Kumakalat ang bango niya. Kinuha niya ang kanyang headset at celfone. Binuksan niya ang kanyang Spotify playlist. Akalain mong sa dinami-dami ng playlist sa Spotify, nagkapareho kami! Do you think it’s a sign?

Bago pa ako magkaroon ng lakas ng loob para itanong ang kanyang pangalan, nasa tapat na pala ako ng gusaling bababaan ko. Sana magkasabay ulit kami sa Lunes.