Nang Magdeklara Ng Cold War Si Haring Ramon

Si Haring Ramon ang bida

Sa kanyang mga kaibigan,

Sa kanyang mga nasasakupan.

 

Magaling siyang magpatawa,

Magaling siyang magpasaya,

Lumbay mo’y mawawala.

 

Ngunit nang magdiwang ng pagkapanalo

Ang kaibigang si Haring Leonardo,

Hindi siya pinadalo.

 

Nainis siya sa kanyang kaibigan

Kaya bilang ganti, hindi na rin niya pinabibigyan

Ng imbitasyon ang kanyang kaibigan.

 

Nag-i-status siya sa kanyang efbi,

Naka-restrict na ang kaibigan,

Hindi na rin niya ito tina-tag.

 

Lingid sa kanyang kaalaman,

May nagpapakita kay Haring Leonardo

Sa kanyang mga efbi post.

 

Kaya, nag-post si Haring Leonardo,

Ang like sa efbi post ay hindi sukatan

Ng buhay, ng pagkakaibigan, ng pag-ibig.

Advertisements

Sa Puso ng Pangarap

Sinag ng araw di-mawari
Kagalakan nito’y hindi maamuki
Sapagkat sa isang pusong sawi
Kalungkutan ang naghahari

Wala na ngang magagawa pa
Para ika’y mapabalik muli
Kahungkaga’y nagsasaya
Kasiglaha’y di-kasali

Ligayang pinakaaasam-asam
Sa pangarap ko natagpuan
Lahat ay aking kayang gawin
Kahit sa kasuluk-sulukan

Sa puso ng pangarap
Tayo’y magkayakap
Nais ang kapanatagang
Hindi mapantayan

Tangi kong pangarap
Tayo’y muling magkasama
Sa isang panahong pag pinagtiyap
Muling makakapiling ang isa’t isa

Sa mga larawang pinanonood
Tayo’y masayang-masaya
Ngunit ni sa hinagap di-naisip
Na tayo’y magkakalayo pala

Muling naidikit ang mga bahagi
Na sadyang kinalimutan ng tadhana
Ngunit sa pangarap lang muli
At hindi sa nakikita ng mata

Simpatya ng mga bituin
Malamlam na ngiti ng buwan
Nakakaya nilang arukin
Kung ano ang aking nararamdaman

Bulaklak ng gabi’y kumikislap nga
Sa gitna ng pagaspas ng hangin
Ngunit siya lang na nag-iisa
At walang sinumang tumitingin

Sa puso na nga lang ba
Muling matatanto ang ligaya
Salamat sa pangarap
Na nagbibigay-liwanag sa isip

Bulong ng Hangin

Marahang manaog ka, sinta
Damhin ang alay na ligaya
Nitong lilim ng punong nara
Bulong ng hangi’y “mahal kita.”

Sumandal sa malambing na sanga
Iyong ipahinga at samyuhin
Dulot na kabanguhan ng sampaguita
At dinggin ang bulong ng hangin.

Sa terasa nitong palasyo
Iyong samyuhin ang bango
Iyong dinggin ang ibinubulong
Nitong malamig na hangin

Bulong ng hangin ay iisa
Kahit ika’y nasaan man
Anas nito’y kaysarap sa tainga
“Mahal kita” sa malamig na tining.

Pananaw ng Isang Sawi

Mga luhang mapait
Lumayo sa mugtong mga mata
Bumaba sa kumunoy ng bibig
At sa loob ay muling magsama-sama

Mga luhang umalis
Tinulungang diligan kahit na kaunti
Ang pusong sa saya ay likas
Sinikap na mabuksan itong muli

Sa pananaw ng isang sawi
Wala nang ningning na makikita
Ang pag-asa’y nakatali
At hindi na mapapalaya pa.

Mga rosas na noo’y mabango
Lahat ay nawalan na ng samyo
Lahat ay unti-unting nalanta
Lahat ay nawala na

Ligayang hulog ng pag-ibig
Sa isang iglap ay natibag
Buhay ay nawalan ng saysay
Nagdulot ng lumbay

Bugambilya

Hindi man lang nasilayan
Ang pagbabagong-bihis mo
Hindi kailanman naramdaman
Ang iyong pagbabalatkayo

Lipos ka dati
Tunay na kabigha-bighani
Sa sariling paningin
Karapat-dapat na mahalin

Sa ilalim ng iyong belo
Hindi kailanman natanto
Ang iyong pagak na halakhak
Sa nagsasalimbayang mga kutitap

Tulad ka nga sa bugambilya
Sa puso ng agham ay binago
Ginawang kahali-halina
Ngunit di-naisip bigyan ng bango

Puno nga ng kulay
Na siyang nagbibigay-buhay
Ngunit wala ni katiting
Bangong dapat pinakaiingatan