Dahil Ikaw ang Ilaw ng Tahanan

Dahil Ikaw ang Ilaw ng Tahanan

Alas-kuwatro ng umaga. Bumangon ka. Madilim ang paligid. Wala nang masyadong maaninag ang iyong mga mata dala ng katandaan. Brownout na naman pala, marahil hindi na naman sila nakabayad. Kung tutuusin, wala ka namang pakialam. Dahil kung mayroon mang kuryente, hindi ka rin lang naman makapanood ng gusto mong palabas.

Ikinapa mo ang mga nangangatog na mga tuhod. Kinuha mo ang flashlight sa bandang paanan mo para may magsilbi kang ilaw. Dahan-dahan kang lumakad patungo sa pintuan. Hinawakan mo ang kurtina na siyang nagsisilbing tabing sa kuwarto mo. Tulog pa ang mga kasama mo sa bahay. Sa mababang hakbang ng sementadong hagdanan, sinikap mong makalakad kahit nahihirapan ka na. Ayaw mong maging pabigat sa mga kasambahay mo. Kapag ganitong oras na, dati ay nagsisimula na ang araw mo sa pagluluto ng almusal at paghahanda sa mga lalabhang damit sa kalapit na ilog.

Kahit nahihirapan ka nang yumuko at maglakad ay pinilit mong kuhanin ang thermos. Magkakape ka, as usual. Gusto mo ring matikman ang cereal drink na padala ng iyong apong nagtatrabaho sa Maynila. Hinanap mo na rin ang iyong mga gamot para makainom pagkatapos mong makapagkape at makakain ng tinapay.

Alam mong malakas ka. Hindi mo iniiyakan ang mga simpleng bagay. Kahit pagod na pagod ka na, nananatili kang matatag at malakas dahil sinabihan ka ng iyong isang apo na tibayan mo ang iyong loob kahit na ano pa ang mangyari. Naalala mo ang narinig mong usapan ng dalawa mong anak. Humihingi ng tulong ang iyong isang anak sa kapatid, kahit limandaan lang kada buwan pang-sustento sa iyo. Pagkatapos ng usapan nilang magkapatid, narinig mong nag-usap ang iyong anak at ang kanyang isang anak, na iyong apo. Narinig mong nagsabi daw ang iyong isang anak na hindi siya magpapadala ng pang-sustento dahil hindi naman daw niya responsibilidad. Sa sariling pamilya daw niya dapat nakatuon ang kanyang atensyon.

Hindi mo inasahang pumatak ang iyong luha dahil sa iyong mga narinig. Ayaw mong maramdaman ang sakit. Ayaw mong magalit sa anak mo. Gusto mong magtanong kung may nagawa kang pagkakamali sa pagpapalaki sa kanila. Masakit sa kalooban mo ang lahat. Ngunit alam mong kailangang tibayan ang iyong kalooban. Dahil nanay ka. Handang umunawa sa mga anak. Marahil ay naliligaw lang sila ng landas. Marahil ay may iniisip lang silang pansariling problema.

Sa tagal na nang pamamalagi mo sa bahay na iyon, kabisado mo na kung ano ang mga nangyari sa bawat sulok at bahagi. Alam mo kung saang bahagi ng bahay nadapa sa unang pagkakataon ang iyong unang anak. Alam mo kung saang sulok nagtago ang iyong pangalawang anak noong naglaro sila ng kanyang mga kapatid ng taguan. Alam mo kung saan tahimik na umiyak ang iyong pangatlong anak dahil napagalitan mo. At alam mo kung saan ang pakong unang pinukpok ng iyong bunso nang tumulong ito sa kanyang ama sa pagkukumpuni ng inyong tahanan.

Dati, matibay pa ang mga dingding na gawa sa kawayan. Na kung bumagyo at umulan ng malakas ay inaakay mo ang iyong mga apo patungo sa pinakasilong ng bahay, dahil nangangamba kang liparin ang yero at mabasa sila sa pagtulog. Nakita mo na kung ano ang mga pagbabagong ginawa sa bahay ninyo. Nawala na ang hagdanang gawa sa kawayan patungo sa kusina. Nawala na rin ang mga bintanang may kakaibang takip at isinasara sa gabi sa pamamagitan ng balunet. Nawala na rin dati ang maliwanag na gasera, na pamalit sa inyong kingki dahil may kuryente na sa lugar ninyo

Saksi ang bahay na iyon noong pumanaw ang iyong asawa. Naiwan ka. Pinilit mong magpakatatag para sa iyong mga anak at apo. Dahil mahal mo sila. Dahil kahit ano’ng mangyari, ikaw ang ina at kailangan mong manatiling matatag dahil hawak mo ang ilaw ng inyong tahanan. Kailangang panatilihin mong nakasindi ang ilaw upang makita ng iyong dalawang anak mula sa malayo ang inyong tahanan. Ang ilaw ang kanilang gabay pabalik sa iyo. Hindi ka maaaring mag-give up. Dahil ikaw ang kanilang Ina. Nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit.

Cover Photo from here.

Advertisements

Sana Bukas Pa Ang Kahapon

Sino nga ba ang makakapagsabi kung kailan at sa kung ano’ng sitwasyon magiging pag-ibig ang isang pagkakaibigan? Ako rin, hindi ko namalayan ang pagtahak ko mula sa daan ng pagkakaibigan hanggang sa landas ng pag-ibig.

Noong una, ordinaryo lamang ang lahat. Masaya sa simpleng usapan. At paano nga ba nagsimulang lumalim ang lahat ng detalye ng simpleng pagkakaibigan? Tinawagan mo pala ako. Oo, nasa Nueva Ecija ako noon. Kasalukuyang nagpapahinga dahil pagod ako sa mahabang biyahe mula sa Maynila. Tumayo ako at sinagot ang tawag mo. Sa tagal ng tawag mo, namula ang aking tainga. Uminit. Nguni’t hindi ko ininda ang radiation na maaaring dulot ng dalawang oras na pakikipag-usap sa iyo sa selepono.

Hindi ko alam kung natatandaan mo pa na sa bawa’t minuto habang ikaw ay nagbibiyahe pauwi, sinamahan kita. Kahit ako ay pagod na sa maghapong trabaho, sige lang ako sa pagkausap sa iyo huwag ka lamang mabagot sa biyahe. At sa bawa’t mura mo habang naghihintay na umusad ang daloy ng trapiko, sinikap kong pakalmahin kita. Wala akong ibang hinangad kundi ang matiwasay mong pagbiyahe pauwi sa inyo. At sa bawa’t sambit mo na ikaw ay inaantok na, hindi mo lang alam kung gaano ako nag-aalala sa iyo. Baka ika’y makatulog sa biyahe at makalampas sa dapat hintuan. Paano na lang kung may masamang mangyari sa iyo? Kaya ako ay nagsumikap na mapasaya ka para hindi ka antukin.

Hindi ko na alam kung nasaan ka na ngayon? Andami kong nami-miss sa iyo. Nami-miss ko ang pag-aayos mo ng buhok ko. Nami-miss ko ang pagyakap mo sa akin mula sa aking likuran habang tayo ay nakaharap sa salamin. Nami-miss ko na rin ang pagyakap mo sa akin pag tutulog na tayo, pati na ang pagkuha mo sa aking braso at kamay para iyakap mo sa iyong katawan. Nami-miss ko na ang tuwa at saya mo kapag sinusundo mo ako. Nami-miss ko na ang ngiti mo kapag Sabado at tayo ay magkasamang tatambay, magkukunyaring tatapusin ang trabaho, nguni’t alam naman nating mas marami ang oras na inilalaan natin sa pagkukuwentuhan at paghaharutan.

Nami-miss ko na ang dating ikaw. Masayahin. Parang ambilis mo namang magsawa sa kung ano ang mayroon tayo. Lagi mong sinasabi sa aking natatakot kang tumanda nang mag-isa. Ibinibigay ko ang aking pagmamahal sa iyo. Ayaw mo naman. Hindi ko tuloy alam kong mahal mo pa ba talaga ako o hindi na. Kaya kong tiisin lahat ng sakit ng kalooban na nararamdaman ko dahil sa iyo.

Mahal Pa Rin Kita

Matagal-tagal na rin. Isang dekada na ang nakalipas. Nakapag-asawa ka na, may mga anak. Pero heto pa rin ako, nagmamahal sa iyo. Kapag tinatanong ako kung may girlfriend ako. “Wala,” ito ang aking laging sagot. Dahil sa totoo namang wala. Ano ang magagawa ko kung sadyang hindi ako makatugma at makahanap ng kasintahan.

Sabi ng aking pambansang bestfriend, maghanap na raw ako ng bago. Hindi ko kaya. At wala akong mahanap. Oo, alam kong ang utak ang dapat pairalin dahil ito ay mas mataas kaysa sa puso. Ang pag-ibig ay psychologically-related lang daw. Ibig sabihin, isipin mo lang na mahal mo ang isang tao, susunod na ang puso. Sa una, tama ang teorya. Pagkalipas ng isang tulog, kusang nagre-reset ang lahat. Bumabalik pa rin ako sa dati – na kung saan ako ay parang baliw na nagmamahal sa iyo. Naghihintay sa wala. Naghihintay sa isang taong maaaring hindi na bumalik, at kung bumalik man ay maaaring matagalan. Baka mauna pa si Kamatayan sa pagbisita sa akin. Ano ang aking magagawa kung sadyang ikaw talaga ang aking mahal?

Sabi mo nga dati sa akin, “Life will never be sweet to those who are sour of it.” Tama ka nga siguro. Sa dami ng napagdaanan ko bago tayo nagkakilala, nabahiran na nang malalaki at maiitim na negatibong pananaw ang aking katauhan. Natakpan ang iyong pag-ibig (kung mayroon man dati). Napakaaga na ako ay naging mature sa palakad ng Buhay. Napakaagang naranasan ko ang Krus. Na noong nagtagpo ang ating landas, ako ay malapit nang mabali. Hindi ko tuloy alam kung mapaglaro ba talaga si Kupido at pinagtagpo tayo o sadyang tayo ay pinagtapat ng Tadhana.

Ngunit kahit anupaman ang gusto kong isipin, ang lahat ay nagbago na. Maraming nagdaang taon. Nagkasalungat ang ating mga landas, pero hindi nagtagpo ang ating mga puso. Marami nang nadagdag na gusali sa dating kalye na nilalakaran natin. Nagkaroon na ng bulalohan sa dati nating kinakainan ng siomai. Nawala na yung fastfood chain ng masarap na burger. Dumami na rin ang coffee shop. Wala na rin si Mama na dating laging kabado kapag sinasabi kong magbubuo na ako ng sariling pamilya. Marami na ang nagbago.

Isa lang siguro ang hindi nagbago – hanggang ngayon, mahal pa rin kita. Deim!

I Won’t Wait Forever

Ako na marahil ang isa sa mga taong abala. Marami akong gustong gawin. Marami akong gustong puntahan. Kaya lang, limitado ang oras. Nauubos ang pera ko. Napapagod ang katawan ko. At hindi iyon makita ng ilang taong nakapaligid sa akin. Hindi naman ako si Superman para magawa lahat ang gusto nila. Kaya kadalasan, may mga pangakong hindi ko natutupad. Kasama na rin diyan ang panaka-nakang pagkalungkot sa tuwing naaalala ko ang mga panahong nasayang dahil sa paghihintay ko kay Ingrid.

Ngunit iba na ngayon. Nadatnan na ako ng bukang-liwayway. Nagsisimula akong muli… madaling-araw ng pagbabago sa aking buhay. Ang lahat sa nakaraan ko ay nananatiling nasa isip ko, pero hindi ko na pinapayagang mangibabaw sa kung anuman ang mayroon ako ngayon. Hindi ko na hihintayin ang muling pagdating ni Ingrid. Sabi nga ni Riza, I won’t wait forever.

Paano kung siya talaga ang nakatadhana sa akin? Tama bang iwanan ko na lang ang lahat ng alaala ko sa kanya. Naghintay na ako dati, ngayon pa ba ako magku-quit? Ituluy-tuloy ko na lang kaya. Baka siya nga ang para sa akin. Pero paano naman kung hindi pala siya talaga?

Dad…” Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses. Papakainin ko pa pala ang aking anak. Ayokong lumaki siyang hindi man lang niya naranasan ang aking pag-aalaga. Habang kapiling ko siya ay ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para maipadamang ang buhay ay isang bagay na dapat ipagpasalamat. Pabalik na naman pala ako sa Maynila mamayang gabi. Ang hirap ng ganito. Gusto kong manatili sa probinsya kapiling ang aking anak pero nasa Maynila ang trabaho ko.

Dad, bakit may Junior ang name ko? Hindi ba puwedeng Gabriel na lang?” Napangiti ako sa tanong niya. Sinagot ko ang tanong niya. Nalungkot ako kasi baka marami pa siyang maisip na tanong habang wala ako. Gusto kong ako ang sasagot ng mga tanong niya para paglaki niya, pwede niyang sabihing “Sabi ng Dad ko…”

Lumang Pintig, Lumang Pagsinta

Gabriel,

Nasa Maynila na ako habang binabasa mo ito. Pasensya na pala kung muntik na akong maging sagabal sa inyo ni Ingrid. Akala ko kasi, mas okey na hindi na kayo muling magkita. O kung magkita man kayo, mas okey na hindi na lang kayo magkabalikan. Pero habang lumilipas ang mga araw, nari-realize ko na hindi pala dapat ganoon kasi nagiging selfish ako.

Sa lahat ng taong malungkot ka, nasa gilid lang ako, pinapanood ka. Wala akong lakas ng loob na lumapit at damayan ka dahil alam ko namang siya lang ang makakapagbigay ng lunas. Kahit sinubukan ko, hindi ko talaga kaya. Nakakatawa nga e kasi kung anu-ano na ang ginawa ko para lang lumakas ang loob ko na lumapit sa iyo at magsabing mahal kita. Pero wala e, sadya sigurong ganoon. Nasa Pilipinas tayo, at konserbatibo ang mga tao. Natakot din akong baka lalo kang mapalayo sa akin kapat sinabi ko ang aking nararamdaman sa iyo. Baka kasi ayaw mo sa isang babaeng liberated.

Sana magkita pa rin tayo. At sana, may sapat akong lakas ng loob na humarap sa iyo sa oras na iyon. Salamat sa lahat, sa mga ngiti mo (hindi mo siguro alam na lumiliwanag ang bukas para sa akin kapag paminsan-minsan ay nakikita kitang nakangiti o tumatawa kapag nanonood ka ng Simpsons).

Helen

Iyon ang sulat ni Helen na ibinigay sa akin pagkagising ko isang umaga. Napaisip nga ako kung sasabihin ko pa ba kay Ingrid o huwag na lang. Nagdesisyon akong huwag na lang tutal, sa aming dalawa lang naman ang isyu na iyon. At wala namang masamang intensyon si Helen.

Totoong si Ingrid lang ang kailangan ko sa mga panahong lumipas na tila nakabaon ang aking katauhan sa nakaraan. Siya lang ang tanging makakapag-ahon sa akin mula sa kinalugmukang kumunoy. Siya lang ang makakapagsabing magaling na ako. At higit sa lahat, siya lang ang makakapagsabing matatag na ako, na kaya ko nang humarap sa mga pagsubok ng mundo… at siya rin ang may kayang magsabi na kaya kong magmahal ulit.

Bagong Ngiti, Bagong Pagkabigo

Ilang beses din akong nagparoo’t parito sa simbahang iyon bago ko naisip na siya na nga talaga ang bumuo sa aking puso. Hindi ko maikakailang sa bawa’t hakbang ng aking kanang paa ay inaasam ko ang paghakbang din ng kanyang kanang paa sa parehong lugar at oras kung saan ako naroroon. Ibig sabihin, gusto kong lagi siyang kasabay sa lahat ng aking gagawin – pagkain ng tempura, paglagok ng float, panonood ng pelikula, paglakad sa ma-dyip na lugar, at pagtambay sa lilim ng Magnolia. At pinakamahalaga sa lahat ay ang pagtanaw ko sa aking kinabukasan… sa aming umaga.

Kung tutuusin, magkalayo ang istilo ng kulturang kinagisnan namin. Hindi sa siya ay isang banyaga, kundi magkaiba ang paraan ng aming pagkapalaki. Hindi ko sinasabing mali sa kanya. Magkaiba lang ang aming mga paniniwala at gawi. Mayroon din naman kaming pagkakahawig. Kung minsan, may mga nagagawa siyang tila hindi sang-ayon sa aking iniisip tungkol sa kanya. Marahil may mga nagagawa din akong hindi kaaya-aya para sa kanya. Nguni’t sadya sigurong ganoon. Kung mahal mo ang isang tao, lahat mamahalin mo ang lahat ng bumubuo sa kanyang personalidad – pangit man o maganda, mabuti man o masama.

Nagkaroon ng di-inaasahang pagbabago ang aking kapalaran. At sa pagbabagong iyon ay hindi ko nabatid na magkakaroon ng lamat ang aming pagitan, at nalaman ko lang iyon nang patagal ng patagal ang aming pagkakalayo. Ultimo maliit na bagay ay nagiging sanhi ng aming di-pagkakaintidihan. Kahit iyong mga bagay na di-dapat sabihin o kung kailangan man ay di-sinasadyang nasabi nang di-maayos. Hindi ko namalayang pabalik na pala ako sa dating ako, doon sa dating kumunoy.

Hindi ko kailanman nasabing gaano niya napapaganda ang aking paligid, napapasaya ang tunog ng hangin, at napapabango ang sinag ng araw. Wala akong lakas. Kung mayroon man, kulang para manatiling nakatayo ako sa kanyang harapan. At sa bawa’t pihit ng gulong ng aming tadhana, lalo akong napalayo ang aking sarili. Hanggang sa umabot sa puntong naisip kong hindi talaga kami para sa isa’t isa.

Lumipas ang aming mga araw. Lalo ko siyang hinahanap habang dumarami ang bilang ng araw na magkalayo kami. Nagkaroon ng mga panahong magkikita na dapat kami pero mailap ang tadhana. Lagi niyang ipinapaalala na ang bagong ngiting nakita ko ay hindi pagtatagumpay sa pagkawala sa kumunoy kundi isang bagong kumunoy.

Bagong Umaga, Bagong Pag-asa

Kung minsan, nakakagawa tayo ng mga desisyong tila dala ang liwanag ng araw at pag-asang makakamit natin ang minimithing kapayapaan ng loob at kaligayahang di-matatawaran ng anupaman. Kung minsan nama’y nagkakamali rin tayo sa ating pagpili na kahit ano’ng gawin nating pagpihit at paglayo ay mananatiling isang bangungot. Nguni’t hindi natin kailangang takbuhan ang isang maling desisyon. Pangatawanan natin sapagkat ito lamang ang tanging paraan para ito maging tama. We have to suffer the consequences, and hope for a brighter day. Hindi tayo makakarating sa isang bagong sulok kung patuloy nating tatakbuhan ang multo ng ating ngayon.

Huwag ka nang mag-alala. Naiintindihan kita. Pero hindi ko naiintindihan noon ang aking sarili kung bakit patuloy akong umaasa sa isang taong hindi na kailanman puwedeng magbalik. Hindi ko noon alintana ang ngiting dala ng bagong umaga. Hindi ko maramdaman ang poot at galit sapagkat ako ay nababalutan ng pag-ibig at pag-asa.

Ilang taon na nga ba ang lumipas? Ilang pagsikat na ba ng araw ang hindi ko nasilayan? Marami nang nagbago sa mga lansangan. Marami nang napatayong bagong gusali. Marami na rin ang gumuhong lupa dahil sa tubig na rumagasa mula sa langit. Marami na ang nagbago sa aking kapaligiran, pero heto pa rin ako. Parehong pag-iisip. Parehong pananaw sa buhay. Parehong pag-uugali. Parehong ako. Takot pa ring gumawa ng pangalawang hakbang. Hindi ko alam kung paano kumawala sa kumunoy na nilikha ni Ingrid.

Dalawampung araw pagkatapos na malanta ang cadena de amor sa gilid ng kalsadang lagi kong dinadaanan ay umusbong ang isang halamang nagpalito sa akin kung kukuhanin ko ba o pananatilihin sa kung saan siya sumulpot. Nanaig ang aking pagka-manggugubat. Hinayaan kong magsaboy ng kaliwanagan at kagandahan ang halaman sa sulok ng iyon ng daigdig na tinatawag ng mga tao na Los Baños.

Isang hapon, may nakita akong Babaeng tumitingin sa bulaklak ng halaman. Bumaba ako mula sa dyip at tinanong kung nagugustuhan niya ba iyong halaman. Napangiti ang Babae. Iyon ang simula ng pagkakaibigang hindi ko inaasahang uusbong sa pagitan namin. Hanggang sa naka-isang taon na pala kami. At sa loob ng panahon na iyon, marami na kaming napagkuwentuhan, napuntahan, nakainan, at pinagtawanang kalokohan. At sa bawa’t pag-asam ko na makakasabay ko rin siya sa panonood ng pagsikat ng araw ay kasabay ko rin pala siya sa pag-asam na maging malinaw ang tatahakin naming landas sa panonood ng pagsikat ng araw.

Nakalimutan kong nakalublob pa rin ako sa kumunoy na nilikha ni Ingrid. Sana makita niya ang mga paghihirap ko sa paghahanap ng makakapitan para lamang makaahon. Sana hindi siya matagalan sa akin.