Ang mga Tatay sa Honor Thy Father

Napanood mo na ba ang mga pelikula ng 41st Metro Manila Film Festival? Huwag na natin ungkatin ang isyu ng di-makabuluhan at walang kuwentang pelikula na pinalusot para mapabilang sa filmfest. Wala naman tayong magagawa at hindi naman tayo isa sa screener o judge.

Siyempre, ang una kong pinanood ay ang Honor Thy Father. Pelikula ni Erik Matti. Umasa ako na de-kalibre, parang On The Job. Idagdag pa na ang bida ay sina John Lloyd Cruz at Meryll Soriano.

Hindi naman ako binigo ng pelikula. Kung susumahin, ang pelikula lang naman ay ang pagnanakaw ng pera sa isang gusaling highly-secured. Pagkakita ko pa lang sa eksena na nakitang muli ni Edgar ang pamilya niya na nagtatrabaho sa minahan, alam ko na kaagad ang patutunguhan ng pelikula. Nagmimina. Nagbubungkal ng lupa. Kayang gumawa ng butas sa kahit ano’ng elemento. 🙂

Pero bakit nga ba Honor Thy Father ang pamagat. Ginoong Matti, bakit nga ba? At ikaw na katulad kong nanood, ilan ang nakilala mong Tatay?

1. Si Edgar. Siya ang pangunahing tauhan sa kuwento, asawa ni Kaye. Ginagampanan ni John Lloyd, oo siya si Popoy na kilala ng lahat. Na sa unang bahagi ng pelikula ay tahimik lamang. Sumusunod sa asawa, kahit saan, sa kahit anong pagkakataon, kahit sa pagbibigay ng free lecture ng kanyang asawa para sa networking group na kinabibilangan. Ngunit nang malagay sa peligro ang kanyang pamilya, ginawa niyang lahat para maprotektahan ang kanyang mag-ina. Maaari mo ring isiping siya ang sumisimbolo sa mga Pilipino.

2. Si Bishop. Siya ang ama ng samahang nananampalataya kay Yeshua. Matindi ang paniniwala sa kanyang Diyos. Na kahit sa sitwasyong gipit na ang mag-asawang Edgar at Kaye at nagmakaawang makahiram ng pera, hindi niya sila pinagbigyan sa kadahilanang ito ay para sa pagpapatayo ng kanilang simbahan. Maaari mo ring isiping siya ang sumisimbolo sa Relihiyon, na malaki ang papel na ginagampanan sa bansang Pilipinas.

3. Si Mr dela Torre. Siya ang asawa ng kaibigan nina Edgar at Kaye at kumidnap sa anak nilang si Angel. Kasama sa mga napa-oo ni Kaye na sumali sa networking. At noong magkaroon ng aberya, isa siya sa mga gumipit sa mag-asawa para isauli ang perang in-invest sa networking. Sa dulo ng pelikula, makikitang siya ay bumaba sa isang Hummer na may plakang 8. Maaaring siya ang simbolo ng Pulitiko o ng mga Pulitiko sa ating bansa. Nakatira sa tore, tinitingala ang kinaroroonan. Handang tumulong kapag nakitang may oportunidad o kapag may makukuhang kapalit na mas maganda, ngunit nangunguna rin sa pagsingil o paglugmok sa iyo sa oras ng kagipitan.

4. Si Mr Buenavidez, ang tatay ni Kaye. Siya ang umakit sa anak na sumali sa networking. Ayon kay Kaye, ito ang nagsalba sa kanila sa panahong sila ay gipit at lubog sa utang. Maaari mo siyang isiping simbolo ng Pamilya. Para sa mga Pilipino, sa pamilya tayo ay humuhugot ng lakas. Nagtitiwala tayo sa pamilya, whatever it takes. Ginoong Matti, ano ang ibig sabihin ng plaka ng sasakyan ng tatay ni Kaye?

5. Ang manager ng kooperatibang unang sinubukang i-rob ni Edgar. Na kahit sa bingit ng panganib, gagawin ang lahat para mailigtas lamang ang kahit anumang bagay na nasa pangangalaga. Siya ang maaaring sumimbolo sa mga Negosyo, na kahit saang lugar o panahon, maaaring hindi ligtas sa isang Pilipinong gaya ni Edgar, na naiipit dala ng circumstances at peligrosong sitwasyon.

Ginoong Matti, ano ang ibig sabihin ng pagbubungkal ng lupa malapit sa pinapaupahang bahay o hostel ni Edgar sa simula ng pelikula? May kaugnayan ba ito sa binubungkal na kalsada malapit sa gusali ng kooperatibang sinubukang i-rob ni Edgar sa kalagitnaan ng pelikula? Ito ba ay mga premonition para sa gagawing pagbubungkal sa pundasyon ng simbahan ni Edgar at ng kanyang mga kapatid para makuha ang pera na nalikom ng samahan na nananampalataya kay Yeshua?

At may importansiya ba ang pagkamatay ng mga Tatay sa pelikula? Ang tatay ni Kaye na pinatay ng mga di-kilalang tao. Ang tatay ni Edgar na hindi na niya inabutang buhay noong umuwi siya sa kanila. Si Mr dela Torre na pinatay ni Edgar. Si Bishop na “namatay” dahil nawala ang perang balak ipangpagawa ng bagong simbahan. At si Edgar na “namatay” dahil sa nangyari kay Kaye. Na kahit ano’ng mangyari, kay Father pa rin ang huling hantungan. Na kaya Niyang mag-provide kahit anong sitwasyon.

Kaya kahit anong mangyari, honor thy Father.

Hindi Si Basha at Lalong Hindi Si Popoy

Ilang beses ko na bang napanood ang One More Chance? Ah, hindi na mabilang pa. Kapag Sabado o Linggo at wala akong magawa, pinapanood ko nang paulit-ulit and pelikula nina Popoy at Basha. At pagkatapos ng pang-sandaang beses na pagkapanood ko sa pelikula, na-realise kong hindi pala si Basha ang biktima sa istorya.

At lalong hindi si Popoy.

Kahit pa sagad sa katauhan mo ang linyang “Limang taon, Bash. Itatapon mo lang lahat iyon?”

O kaya iyong “But you’re asking for too much. Ang hinihingi mo, mawala ka sa buhay ko.”

Kahit pa ang “She loves me at my worst. You had me at my best.”

Ang biktima pala ay si Trisha. Akalain mo nga namang she loves Popoy at his worst. Ngunit, nagawa pa ring piliin ni Popoy si Basha na tumuring sa kanya bilang basura at itinapon noong ayaw na sa kanya. Love alone is not enough, sabi nga ng Caedmon’s Call.

Ano nga ba ang sasapat para hindi ka iwanan ng iyong minamahal?

Napakahirap sagutin. Hindi ko rin kayang sagutin. Baka nga sadyang ganoon ang konsepto ng love. Magmamahal ka para lang masaktan sa huli. Sabi nga ni Trixie sa The Breakup Playlist, may taong darating sa buhay mo para lang iwanan at tuturuan ka ng aral. O baka gusto mong maniwala pa rin kay Popoy na kaya tayo iniiwan ng taong mahal natin ay dahil may iba para sa atin na mas higit at magtuturo sa mga kamalian sa ating buhay.

Ang love ay isang napakasalimuot na emosyon at pagsasalarawan sa nararamdaman para sa ibang tao na masasabi nating espesyal. Hahamakin ang lahat, masunod lamang ang iniuutos ng puso. Delikado. Unpredictable. Bugso ng damdamin.

Ang pag-ibig ay nangangailangan ng dalawang tao para yumabong. Para mag-grow. Hindi pwedeng isa lang ang nag-aalaga sa damdamin ng dalawang tao. Dahil sa totoo lang, nakakapagod. Nakakapraning.

Sasang-ayon ka ba kung i-declare nating gago si Popoy? Pagkatapos siyang kupkupin ni Trisha, iiwan lang niya ito noong malamang mahal pa rin siya ni Basha. Napaisip tuloy ako kung sa totoong buhay ay marami ang Basha na nang-iiwan sa mga Popoy para sa self-fulfillment. At mayroon din kayang mga Popoy na nanggagamit at nanggagago lang sa mga Trisha?

That Thing Called “Naka-Relate Sa That Thing Called Tadhana”

tadhana-poster-FINAL-27x39inThat Thing Called Tadhana. The movie that caught everyone in awe and extended talks about break-ups, moving on and random traveling.

My primary reason for watching the film? Gusto kong malaman kung ano nga ba ang tadhana. Gusto kong alamin kung tama ba ang aking naiisip pagdating sa usaping pag-ibig at ang relasyon nito sa napaka-cliché na konsepto ng Tadhana. Hindi lang sa cinematography. Hindi lang sa mga dialogue na binanggit si John Lloyd o si Popoy. Hindi sa ako ay brokenhearted. Pero ako ay naka-relate. Huwag mo nang itanong kung saang aspeto ako naka-relate. Pagkatapos kong manood, para lang akong nanood ng Before Sunrise.

Wala namang bago akong natutunan. Ang sabi, kung kayo talaga, kayo. Kung gusto mo talaga siya, gumawa ka ng paraan para maging kayo. Kapag hiniwalayan ka niya, hatakin mo siya pabalik. Pero sabi nga ng karakter ni Angelica, ang 8 years niyang relasyon sa ex niya, tinapos lang ng 7 words “Hindi na kita mahal, makakaalis ka na.” Oo nga ‘no? Paano kung ayaw na talaga? Ipagpipilitan mo pa ba?

Napakanormal ng akting ni Angelica at JM sa movie. Para ka lang nanonood at nakikiusyoso sa dalawang tao habang naghihintay ka ng bus sa terminal, o habang naglalakad ka sa Session Road, o habang kumakain ka sa isang resto. Nakakaengganyo ng interes ang small details ng pagganap ni Angelica, ang kanyang mahinang tawa, simpleng ngiti o iyong pagkayamot niya kay Ateng ayaw sagutin ang nagri-ring na celfone.

Nagsimula sa isang simpleng usapan, hindi sinasadyang napahaba, hindi namalayan ang oras hanggang sa humantong sa pagbi-videoke. Where do broken hearts go? Saan nga ba napupunta ang mga broken heart? Para lang ba silang stars na pag nawalan na ng kinang ay nagiging black hole? Ang puso ba ay nagiging isang barren entity na kayang mag-absorb ng kahit ano’ng emosyon na hindi na kina-classify kung ito ay damdaming masaya, malungkot, nakakainis o kahit ano pa man? Pag nasaktan ka na ba, hindi mo na ba kayang magmahal muli? Nagiging black hole na nga ba talaga?

Nakakatuwa iyong scene na naiwan nila ang bagahe nila sa Baguio. Naalala lang nila noong nasa Sagada na sila. Malaking katangahan. Pero parang ganoon naman sa totoong buhay. Pag gusto mong makalimot, para ka lang tanga sa paggawa ng kahit ano’ng pwedeng gawin makalimutan mo lang ang masakit na break-up. Sabi nga ni Angelica, hayaan na lang daw ang mga bagahe at iyon na ang kanilang bagong buhay. Kapag kinalimutan mo ang heartaches at pagiging broken-hearted, marami kang makikitang bago na may kulay at mas buhay. Maaari kang mag-wish sa shooting star. Maaari kang makakita ng sea of clouds. Maaari ka ring sumigaw para ilabas ang sama ng loob mo. At maaari kang makakilala ng bago. Marami kang pwedeng magawa para makalimutan ang isang taong nanakit sa iyo, para mawaglit sa isipan mo ang isang tao na nagparanas sa iyo ng traumatic heartbreak.

Ngunit paano kung hindi mo talaga makalimutan ang taong iyon? Paano kung siya pa rin ang isinisigaw ng puso mo kahit nasaktan ka na niya, kahit iniwan ka na niya? Paano kung naniniwala ka pa rin sa kasabihang Love alone is worth the fight? Is that thing called tadhana?