Usapan sa Kapehan

Nandito na naman ako sa aking tambayang kapehan. Bakante pa ang aking unofficially official mesa. Dumiretso na ako doon para pumuwesto. Alam na naman ng counter kung ano ang aking usual na inoorder. Pumunta ako sa counter para magbayad. Mocha frappe, masarap pero bawal sa mga nagnanais pumayat at maghanda para sa summer sa susunod na taon.

Binuksan ko ang aking laptop para magsulat at gumawa ng kung anu-ano, kasama na ang artikulong ito. Sa aking pagbabasa ng mga balita sa isang news website, nabulabog ako ng tatlong kabataang dumating. Malakas ang impluwensiya nila sa lagay ng ingay sa paligid ng kapehan. Nadiskaril ang iilang nakaupo na nasa intensity 2 sa kanilang intensity 9.

Kapehan naman ang kinalalagyan namin. Demokrasya ang umiiral sa bansa kung nasaan ang kapehan. So walang nagbalak sumita sa tatlong kabataan.

At nagsimula na nga ang kanilang kuwentuhan. Mga mag-aaral pala sila sa isang malapit na pamantasan. Sociology marahil ang kanilang kurso. Dahil ang kanilang talakayan ay tungkol sa mga tao sa ilalim ng MRT Taft Station. Nadaanan ng isa kanila sa pagpunta sa kapehan.

Balak daw mag-tweet ng isa at i-tag ang MMDA sa kanyang nadaanan kanina sa ilalim ng MRT Taft Station. Ginagawa daw terminal ng mga taksi at dyip ang ilalim nito na nagiging sanhi ng matinding trapiko sa lugar na iyon.

Sagot ng isa, kahit ano pang gawin daw ng kung sinumang maluluklok na opisyal ay mahirap nang mabago ang sitwasyon sa Metro Manila. Nakasanayan na daw kasi. Namihasa na ang mga taong makipagsiksikan sa Maynila para maghanap ng trabaho, magtrabaho at kung anu-ano pang dahilan. Naalala ko tuloy ang sinulat ko dati tungkol sa mga street vendor, na ang kanilang pagtitinda sa tabing-kalsada ay tinawag kong legalisednaturalised illegalities.

Sabat naman ng isa, mabuti nga daw at may ginagawa ang kasalukuyang pamahalaan para malinis ang Metro Manila. Mabilis daw umaksyon. Walang halong pakitang-tao o pabango sa midya.

Sabi ng isa pagkatapos sumipsip sa kanyang iced latte, mahirap daw atakehin ang mga nakatira sa lansangan dahil ikaw ay babatikusin ng mga human rights group at ilang aktibista. Masasabihan kang hindi makatao.

Sagot ng isa, naiintindihan daw niyang ang mga taong nasa lansangan ay nangangarap ding umangat sa buhay kaya ginagawa ang samu’t saring bagay para lang kumita. Ang mga nakapilang dyip at taksi sa ilalim ng istasyon ng tren ay nagtatrabaho lamang para sa kanilang pamilya, para sa kanilang ikabubuhay.

Sagot ng isa, umaayon naman daw siyang sila ay nangangarap guminhawa ang buhay, ngunit huwag naman daw sanang labag sa batas. Magtrabaho daw nang naaayon sa batas. Hindi lang sa Maynila may trabaho. Oo, maraming pagkakakitaan sa Maynila, malaki ang sahod.. pero mataas din ang cost of living. At sa Maynila din daw maraming madudukutan, mahoholdap, at mapagkikitaan nang madali.

Hindi ko na sinundan ang kanilang pinag-uusapan. Napagod ako sa isiping gusto konrin sanang malinis ang mga lansangan ng Metro Manila. Gusto ko rin sanang wala nang lumalabag sa batas. Napagod ako sa isiping may mga taong kokontra sa mga panukalang makakabuti sa lahat in the long term. Napagod akong isipin na ang ilang tao ay short-term lamang ang ikinukunsidera sa kanilang reasoning.

Advertisements

Simpleng Anyo ng Pang-aabuso sa Demokrasya

Suwerte tayong mga Pilipino dahil malaya tayo. Malayang nakakapamili at nakukuha ang anumang naisin. Hindi natin kailangang sumailalim sa kung anu-anong proseso para lang masabi kung ano ang gusto, sa social media, sa diyaryo, o kahit sa pader na pinagkagastusan ng pintura. Kahit ano ang sabihin natin sa ilang pulitiko, walang problema. Freedom of expression.

Ang mga lumang sasakyan, malayang nakakabiyahe kahit isang screw na lang ang nagdudugtong sa lahat ng bahagi nito. Ang mga nagmamaneho ng dyipni, akala mo sila ang may-ari ng lansangan. Ang mga naka-motorsiklo, akala mo sila ang pinaka-astig na nilalang sa paglalagay ng maingay na muffler. Ang mga nagmamaneho ng traysikel, akala mo kung sino’ng makapagpatugtog nang malakas. Ang mga may pa-birthday o iba pang selebrasyon, malayang nakakagamit ng karaoke kahit magdamagan.

Narito pa ang ilang gawaing sa tingin ko ay simpleng pang-aabuso sa kung anumang demokrasya at kalayaang mayroon tayo:

* Pagtira at pagtatayo ng barung-barong malapit sa riles ng tren. At kapag pinaalis ng PNR o ng totoong may-ari ng lupa ay magagalit at magsusumbong sa Commission on Human Rights.

* Pag-okupa sa kabuuan ng kalsada o eskinita dahil walang kasalubong. Hindi inaalintana ang nagmamadaling kasunod na nilalang.

* Pagtayo sa escalator na inookupa pati ang express lane. Isama na dito ang magkasintahang magkatabi at walang pakialam sa mga taong nasa likuran nila.

* Pagtatapon ng basura, kasama na ang candy wrapper, sa kung saan-saan.

* Pagtitinda ng kung anu-ano sa bangketa at bahagi ng lansangang para sa tao.

* Paggamit ng iba’t ibang social media para manira ng kapwa.

Ang Unang Debate

Una sa lahat, nakakatuwang mag-initiate ang COMELEC ng ganitong gawain. Sabi nga ni Miriam, ang programang isinagawa ay to educate the Filipino voters. Tama. Ang debate ay isinagawa para makilatis natin ang pag-iisip ng mga kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas. Pero bakit natin kailangang pakialaman kung ano ang nasa isip nila tungkol sa isang isyu? Siyempre, maghahalal tayo ng Presidente, na siyang dulo ng mga papeles o dokumentong maaaring makapagbago o makapagpalugmok sa ating kasalukuyang estado.

Sa opening statement pa lang, nagpasiklaban na ang mga kandidato. Para sa akin, pinakagusto ko ang sinabi ni Miriam na ang kailangan natin ay sense of shared destiny. Hindi ko lang tiyak kung naintindihan ng lahat ang sinabi niya o ang kanyang gustong iparating. Pangalawang pinakagusto ko ang pahayag ni Duterte. Kailangan magsimula sa gobyerno, get rid of corruption. Hindi man niya tahasang sinabi kung paano niya susugpuin ang kriminalidad at paggamit ng illegal drugs sa loob ng 3-6 na buwan, marahil ay alam na natin ang kanyang pamamaraan. Sa mga estadistikang nabanggit ni Grace Poe, alam kong alam niya kung ano ang kanyang ipa-priority. Sa pagsasabing maglalaan siya ng 30% ng pambansang badyet para sa Mindanao, bigla akong kinabahan sa kanya.. natakot ako sa kanyang mga pangako na maaaring mapako. Si Roxas naman ay general statements lang ang binitawan na may kahalong pasaring sa mga katunggali. Ang ipino-flaunt lang niya ay ang kanyang karanasan sa pamamahala. At si Binay, as usual, Makati na naman ang binanggit. So para sa akin, heto ang aking puntos para sa kanilang opening statement:

Miriam-5 Duterte-4 Grace Poe-3 Binay-2 Roxas-1

Sa Round 1 ay tinalakay ang track record at performance sa pulitika at pamamahala. Si Binay ay tinanong tungkol sa kanyang mga ari-arian. Si Miriam naman ay tinanong kung niya pang mamahala sa kabila ng kanyang karamdaman. Si Duterte ay related sa kanyang behaviour at pag-uugaling medyo bago sa panlasa ng mga Pinoy para sa isang Pangulo. Kay Grace Poe ang pagkakaroon niya ng kakaunting karanasan sa pamamahal at paghawak ng isang posisyon of national importance. At kay Roxas ang kakayahan niyang mamahala nang epektibo.

Pinakakumbinsido ako kay Grace Poe sa pagsasabing walang batayan na ang pagkakaroon ng malawak na karanasan ay katumbas ng pagiging magaling. Medyo mababaw ang mga tanong kay Miriam at Duterte na tungkol sa karamdaman at pag-uugali, na nasagot naman nila ng buong husay. Para sa akin, hindi nasagot ni Roxas kung epektibo nga ba siyang lider sa pagbigay ng solusyon sa mga isyung related sa kalamidad at MRT. At kay Binay naman ay lalong nadagdagan ang aking kaba at doubt sa kanya kung paano siya nagkaroon ng mga ari-arian.

Grace Poe-5 Duterte at Miriam-4 Roxas-0 Binay-(-1)

Sa Round 2 ay tinalakay ang plataporma nila sa pagresolba sa problema ng kahirapan.

Sabi ni Binay, isa-subsidise ang mga magsasaka, tatanggalin ang irrigation fee, babawasan ang post-harvest losses at mag-a-attract pa ng mga kapitalista at investor. Okey na sana pero pagdating sa huli, binanggit niyang “katulad ng ginawa namin sa Makati…” Kailan pa nagkaroon ng mga taniman sa Makati? Wala namang kinuwestiyon si Grace Poe sa mga pahayag ni Binay. Nagsabi lang siya ng mga sariling ideya sa paglutas sa problema ng kahirapan ng mga magsasaka at mangingisda. (Binay-5, Grace Poe-0)

Tinanong kay Grace Poe kung paano matitiyak ng administrasyon niya na may pagkain ang 2.5 o 2.6 milyong pamilyang Pilipino na nagsabi sa sarbey ng SWS na sila ay nagugutom araw-araw. Aniya, libreng lunch (hayan, as in literal na solusyon hahaha), subsidy sa mga magsasaka at napapanahong paggamit ng coconut levy fund. Sa rebuttal ni Miriam, ang gusto lang naman niyang malaman ay kung saan kukuhanin ang pondo. Ang tangi lamang na naisagot ni Grace Poe ay ang pagkakaroon ng bagong perspektibo para sa pagresolba sa mga suliranin ng bansa. (Grace Poe-3, Miriam-3)

Sa tanong tungkol sa distribution of wealth, ang sabi ni Miriam ay kailangang pagbutihin muna ang kundisyong pangkalusugan ng mga tao, isunod ang pagpapaaral sa mga tao, at rural improvement at social welfare improvements. Nabanggit din nito ang pagpapababa sa tax. Wala ring kinuwestiyon si Roxas sa mga pahayag ni Miriam. (Miriam-5, Roxas-0)

Tinanong kay Roxas kung paano niya maiaahon sa kahirapan ang mga mangingisda at mapapangalagaan ang karagatan. Uunahin daw niya ang murang pautang para sa mga mangingisda, tutulungan sila sa paggamit ng makabagong teknolohiya katulad ng fish finder, pagtatayo ng mga post-catch facilities at iba pang imprastraktura. Nabanggit ni Duterte na maganda ang mga magiging programa ni Roxas, ngunit ang suliranin ay sa implementation stage dahil sa mga corrupt at incompetent na namamahala. Tiniyak naman ni Roxas na siya ay anti-corruption at ipagpapatuloy niya ang mga programang nakakabuti sa karamihan. (Roxas-6, Duterte-3)

Sa usapin ng rice cartel, malinaw ang nagging kasagutan ni Duterte. Gagamitin niya ang kanyang radikal na paraan, kaakibat ang pagtatayo ng food terminals at mga credit union at kooperatiba para makatulong sa mga magsasaka. (Duterte-5, Binay-0)

Sa Round 3 ay pinag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng Mindanao.

Naunang sumalang si Duterte. Tinanong sa kanya kung paano niya masosolusyunan ang irregularities in infrastructure projects. Ipinahayag ni Duterte na ang naibibigay lang sa Mindanao ay katiting kung ikukumpara sa natatanggap ng ibang lugar. Wala siyang nabanggit kung paano nya direktang masosolusyunan ang problema sa distribusyon ng mga proyekto. Nag-share lang din si Roxas ng mga proyektong nagawa ng administrasyong Aquino para sa Mindanao. (Duterte-3, Roxas-3)

Tinanong si Roxas ang problema sa ilegal na droga. Nabanggit niya ang programang Lambat-Sibat at pagtutulungan ng mga tao. Sabi naman ni Binay, mahina ang pagpapatupad sa programa, at indecisive ang namumuno kaya hindi napupuksa ang mga suliraning nakakabit sa ilegal na droga. (Roxas-5, Binay-3)

Tungkol naman sa political dynasty ang tanong kay Binay. Aniya, “bakit naman ho magkakaroon ng batas para pagbawalan ‘yung gustong magtrabaho qualified naman at mahahalal naman sa isang malinis at marangal na halalan..” Ang sagot naman ni Miriam, nasa batas na ang mga alituntunin sa political dynasty. Dagdag niya, “kung ayaw nila n’on, ‘di we have to amend the Constitution but while it is there, it must be obeyed. The Constitution is always and always supreme.” Ngunit ipinagpipilitan ni Binay na malabo ang kahulugan ng dynasty. (Binay-4, Miriam-3)

Tinanong kay Miriam ang tungkol sa EDCA. Sino pa ang makakapagpaliwanang sa EDCA kundi siya. Ang dagdag na paalala ni Grace Poe, kung dati, nagbabayad ang Amerika noong gumagamit sila ng base-militar sa Pilipinas, sa EDCA, sila ay libre. Idinagdag ni Miriam na “We have to stand for our sovereign rights! I am willing to join any movement to declare our independence from imposed sovereignty.” (Miriam-6, Grace Poe-3)

At sa usaping BBL, sabi ni Grace Poe ay kailangang kausapin ang mga tao na nakatira sa Mindanao, sundan ng mga programa at proyekto para sa ikauunlad nila. Ani Duterte, hindi nagtagumpay ang BBL, kaya dapat subukan ang federalismo na matagal na niyang isinusulong. (Grace Poe-6, Duterte-3)

Sa closing statement, napabilib ako ni Miriam sa kanyang tatlong criteria para sa isang lider (with academic, professional and moral excellence). Hindi rin magpapatalo si Roxas sa pagsasabing “Bakit ko gusto maging pangulo? Dahil gusto ko maging ganito din ang buhay niyo – malaya sa gutom, malaya sa takot, at malayang mangarap.” Naniniwala naman si Duterte na kung walang kapayapaan, “we cannot really survive and develop as a nation.” Para kay Grace Poe, pagtutuunan niya ng pansin ang kuryente para sa Mindanao, trabaho at paglaban sa corruption. Nakatuon si Binay sa pagresolba sa underspending, na kailangang gamitin ang pera ng gobyerno sa kung ano ang nakalaan para rito.

Miriam-5 Roxas-4 Duterte-3 Grace Poe-2 Binay-1

Para sa akin, kung ang boto ko ay base sa point system na ginawa ko para sa debateng ito, ang iboboto ko ay si Miriam (30 puntos).