2025.2

Dumiretso na silang magkapatid sa gate kung saan may nakalagay na karatulang “Government Pass”. Ipinakita niya ang kanyang ID, at dahil kilala na silang magkapatid ng pang-umagang guwardiya, hindi na tinanong kung sino ang kasama niya. Pagkapasok ay dumiretso na sila sa pangalawang gate kung saan sila ng magta-tap ng kanilang card. Oo, hindi mo na kailangang magbayad ng pera. Pwede mong lagyan ng load ang card mo para mas mabilis ang pagpasok sa loob.

Ang unang bagon ay ang business class na higit na mahal ang pamasahe. Ang mga empleyado ng gobyerno ay nasa pangalawa at pangatlong bagon. Sa isang bagon na laan sa mga manggagawa ng gobyerno ay may anim na mesa na may tig-aapat na upuan. Iyong ibang upuan ay nakaayos nang magkakatabi, na parang sa ordinaryong tren. Hindi kagaya sa business class na may mesa para sa lahat.

Dumiretso sila sa paborito nilang pwesto, na kung saan habang binabagtas ng tren ang riles pa-Maynila ay makikita nila ang Bundok Arayat at ang araw na sumisikat mula sa silangan. Inilagay na nilang magkapatid ang kanilang bag sa sabitang nasa ilalim ng mesa. Inilabas naman niya ang kanyang laptop para maipagpatuloy niya ang kanyang task na hindi niya natapos kagabi.

May umupo sa tabi nilang dalawang babae. Kapareho din nilang government worker. Nginitian lang niya ang babaeng umupo sa tabi niya. Hindi naman niya ugaling makipag-usap sa kapwa niya pasahero. Ilang sandali pa, nag-announce nang aalis ang tren. Isa’t kalahating oras ang biyahe nila. Pero okey na rin dahil kumportable naman ang biyahe. Dati, ang mga magulang nila, limang araw na sumasakay ng dyip para pumasok sa trabaho. Malapit ang destinasyon pero matagal ang biyahe dahil sa matinding traffic jam.

Habang nakatitig siya sa labas, napaisip siya, “ano kaya kung hindi nangyari iyong sakit dati? May magbabago kaya?” Dati, ang Maynila, hindi natutulog. Kahit disoras ng gabi, maingay, mausok, at maliwanag dahil sa mga bus, taksi, ef-eks, at iba pang sasakyang bumibiyahe para sa mga taong nagtatrabaho. Busy ang mga tao sa pagpasok sa trabaho. Hindi magkamayaw sa pagsabit sa dyip. Hindi sapat na nakakagalaw ang kunduktor ng bus, kailangang siksikin at punuin ang daanan sa gitna. Marami ang troll dahil marami ang mahilig sa social media. Marami ang nagpapakalat ng mali at hindi tamang impormasyon. Noong kumalat ang sakit na iyon, nagdeklara ang gobyerno ng lockdown.

Noong una at pangalawang linggo ng lockdown, galit ang mga tao. Balisa. Hindi magkamayaw sa pag-post sa social media ng kani-kanilang disappointment sa iba’t ibang bagay. Nangako ang gobyerno na mamimigay ng subsidy para hindi na kailangang lumabas ng mga tao sa kani-kanilang bahay, liban na lang kung emergency talaga. Ngunit para sa ilan, hindi sapat ang ibinigay ng gobyerno.

Ang lockdown ay isang buwan lamang noong una, na-extend ng tatlong linggo, at na-extend pa ulit dahil patuloy ang pagtaas ng infection. Hanggang sa umabot ang extension ng apat na buwan. Walang magawa ang mamamayan dahil para rin naman sa kabutihan ng lahat. Ngunit dahil sa lockdown, halos bumagsak ang ekonomiya. Maraming naluging negosyo, lalo na ang mga MSMEs.

Pagkatapos ng limang taon, heto na at tila sanay na ang mga tao sa sistemang katulad ng lockdown. Hindi na masyadong matao ang mga mall. Hindi na gaya dati na halos taun-taon ay may itinatayong limang mall, na kung tutuusin ay pare-pareho lang naman ang laman. Hindi na rin gaya dati na ang mga tao ay naka-concentrate sa Maynila. Dahil inayos ng gobyerno ang transportasyon, kabilang na ang tren na sinasakyan nila mula Gitnang Luzon hanggang Maynila, nagsimulang lumipat ang mga tao sa ibang lugar bukod sa Maynila. Marami ang nagsibalik sa kani-kanilang probinsya upang magsaka at mag-alaga ng mga hayop. Hanggang sa bumalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa.

Malaki ang naging epekto ng sakit na iyon. Natuto na ang mga tao. Naging mas matalino sila pagpili ng mga inihahalal na opisyal. Naging mas mahalaga sa kanila ang edukasyon. Naging higit na mapagmatyag sila sa mga nangyayari sa lipunan.

“Approaching Balintawak Station. Papalapit na po sa Balintawak Station.” Naalimpungatan siya sa pagmumuni-muni. Malapit na sila sa Maynila, ang sentro ng bansa. Malapit na sila sa sentro ng kapitalismo at pulitika.

Leave a comment