Ano Dapat ang Resolusyon Nino?

Nalalapit na naman ang pagsara ng taong kasalukuyan. Ibig sabihin, lahat ng tao ay papasok na naman sa kuwartong inilaan ng bagong taon para sa kanila. At uso naman ang listahan ng resolusyon o nais na pagbabago sa kani-kanilang sarili. Ang listahang ito ay karaniwang itinatapon na paghupa ng mga paputok at pailaw sa unang araw ng Enero. SARKASTIKONG PAALALA: Ang mga sumusunod ay pawang kathang-isip lamang na base sa ilang taong nakasabayan ko sa dyip, sa mall, o nakita sa iba’t ibang lugar.

Para kay Mamang Dyipni Drayber: “Ako ay magbababa at magsasakay na ng pasahero sa tamang lugar lamang. Hindi porke’t may taong papara sa aking dyip ay hihintuan ko na. Hindi porke’t may pasaherong bababa na ay hihinto na ako kaagad. Susunod na ako sa batas-trapiko. At higit sa lahat, itatabi ko na ng maayos ang aking minamanehong dyip kapag hihinto sa kalsada.”

Para kay Ateng Mataba na Pasahero sa Dyip: “Ako ay uupo na ng maayos. Ako ay iipod para makaupo nang maayos ang bagong sakay. Ako ay mag-aabot ng pamasahe sa drayber at ng sukli sa tamang pasahero. At higit sa lahat, sisikapin kong magkaroon ng disiplina sa pagkain, mag-eehersisyo upang mabawasan ang aking timbang (dahil alam kong ito ay para rin sa pansariling kapakanan, at para hindi ko na masasakop ang pandalawahang upuan sa bus o sa kahit anong pampublikong sasakyan.”

Para kay Kuyang Sagad Kung Bumukaka sa Pag-upo sa Dyip: “Ako ay magiging maayos na sa pag-upo sa dyip o sa kahit anumang pampublikong sasakyan. Iisipin ko na lagi na ang aking sinasakyan ay hindi ko pag-aari, kaya dapat lang na umipod para makaupo ang mas maraming pasahero. Higit sa lahat, hindi na ako bubukaka sa pag-upo dahil alam ko namang ang iniipit ko sa pagitan ng aking mga hita ay hindi naman kalakihan.”

Para kay Ateng Mataray na Wala sa Lugar: “Ako po ay titigil na sa pagtataray nang wala sa panahon o kung walang sapat na dahilan. Ako po ay maghahanap na ng nobyo para mabawasan na ang aking pagka-aburido sa mundo.”

Para kay Kuyang Mandurukot: “Ako ay titigil na sa panghahablot ng celfone o ng bag ng mga nakasakay sa dyip. Tuwing rush hour, hindi na rin ako maniniksik ng mga taong sumasakay sa bus o tren para lang makuha ang kanilang celfone o anumang mahalagang gamit. Higit sa lahat, ako ay magsisikap nang makahanap ng trabaho para kumita at makabili ng kahit anumang naisin.”

Para kay Aleng Tsismosa: “Ako ay titigil na sa pagkakalat ng mga balitang walang basehan tungkol sa aking mga kaopisina, kapitbahay at maging ng aking ilang kaibigan. Sisikapin kong magkalat na lang ng kabutihan sa pamamagitan ng pagtikom sa aking bibig upang maiwasan ko ang pagdaldal at pagkukuwento ng kung anu-ano sa iba’t ibang tao.”

Para kay Kuyang Social Climber: “Ako ay titigil na sa pag-aastang-mayaman. Ako ay aasal na naaayon sa kung anuman ang estado ko sa buhay. Hindi na ako mamimili ng mga mamahaling gamit hangga’t hindi ko pa nababayaran ang aking mga pagkakautang sa renta sa inuupahang dormitoryo. Higit sa lahat, hindi na ako mangungutang para lang makabili ng mamahaling gadget.”

Para kay Ateng GGSS: “Ako ay aakto na batay sa kung anuman ang biyayang kagandahan sa akin. Hindi na ako magpapakulay ng buhok para lang masabing blonde. Hindi na ako magsusuot ng red lipstick kung hindi naman ako maayos manamit. Titigil na ako sa aking ilusyong kasingganda ako ng ilang artista dahil ang maputi lang naman sa akin ay ang aking leeg at mukha. Higit sa lahat, ako ay mag-aasal na batay sa aking kagandahan.”

Para kay Kuyang All-Knowing: “Ako ay titigil na sa pag-aastang alam ko ang lahat ng bagay. Sisikapin kong makinig sa kung anuman ang sinasabi sa akin para mapag-ibayo ko ang aking kakayahan at kaisipan. Hindi ko na mamaliitin ang suhestyon ng iba. Higit sa lahat, tatanggapin ko nang maluwag sa aking kalooban na may mga taong higit na nakakalamang sa katalinuhan at kagalingan.”

Advertisements

Drama sa Tag-init

Ang hirap naman ng kalagayan ko. Pinapahirapan ako ng nararamdaman ko. Sinusungitan ako pero okey lang. Maano ba namang magtiis. Baka sakali, bumait din siya. Pero kelan ko kaya mararamdamang hindi na siya masungit? Kung nakaalis na siya at di ko na siya nakikita? Sana ngayon na. Sana kilala ko yung santong dapat pagdasalan para makahingi ng milagro… para mahiling ko na sana – okey na kami.

Paano ba kami nagsimula? Hindi ko na rin masyadong matandaan. Basta ang alam ko lang, nagkasalubungan kami minsan malapit sa may Kwek-Kwek-an. Tinawag niya ako. May sinenyas siya sa akin. Napangiti ako. Tanda niya pa kaya yun? Sana.

Tumagal din naman ang magiliw naming pagkakaibigan. Hanggang sa mangyari ang isang di-inaasahang bagay. Pagod ako sa trabaho ko sa pagkakargador ko sa gabi. Tapos nakatanggap ako ng isang teks mula sa kanya. Nag-aaya siya ng mga sasama para sa pag-aaklas laban sa kumpanyang kanyang ginagalawan. Napagsabihan ko siya. Inisip ko lang namang baka mapahamak siya at matanggal sa trabaho niya. Ang hirap pa namang maghanap ng trabaho ngayon. Hindi niya ako ni-reply-an. Pagkatapos ng dalawang oras, nag-text ulit ako sa kanya. Nag-sorry ako dahil don sa na-text ko. Hindi ko matiis kasi na nagagalit siya sa akin.

Tumagal pa kaming magkaibigan. Lumayo ang aming nalakad. Dumami ang bilang ng araw na magkasama kami. Hanggang sa magsawa siguro siya sa pagsama-sama sa akin. Inaamin ko namang wala na talagang bagong nangyayari sa amin. Parang naging routine na namin ang magsama. Ayaw niya siguro ng ganun. O mas gusto niya siguro ang may mas malalim na dahilan ng aming paglalakad. Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi ko namalayan, malayo na pala ako. Naiwanan ko pala siya. Hindi ko napansing may kausap na pala siya. Paano ba naman kasi… ang nasa isip ko lang, makarating sa tuktok ng bundok at makita ang pagsikat ng araw.

Sinubukan kong bagalan ang aking paglakad para makahabol siya. Hindi ko napansing hindi na pala niya ako gustong maabutan. Hindi ko naman naisip na balikan siya kasi akala ko, okey lang siya sa mga bago niyang kasama. Hanggang sa hindi ko na nga siya makita.

Pagkalipas ng ilang araw, siguro buwan na rin, sila na pala ng pinsan ko. Wala akong masabi. Hindi ako makaimik. Hindi ko alam ang mga pinaggagawa ko. Ginusto ko siyang kalimutan. Pero sa bawa’t dilat ng mata ko pagkagising ko sa umaga, mukha niya ang nakikita ko. Bago ako matulog, nakikita ko siya. Siya rin ang naiisip ko pag nakasakay ako sa bus habang papauwi ako galing sa trabaho ko. Kelan ko lang ulit siya nakita, pero di ko alam ang gagawin ko. Hmmm… simpleng ungot lang.

Bakit Ka Single?

Heto ang labing-isang dahilan kung bakit ang isang tao ay nananatiling single. Ito ay hango sa teks na galing kay Rizza.

11. DESTINY ADIK – bahala na raw ang tadhana

10. PERFECTIONIST – gusto yatang maging nobyo/nobya o asawa ang isang god/goddess

9. BUSYBUSY-HAN – sa iskul, sa work, atbp

8. FRIENDSHIP THEORY – masaya na at secretly in love sa kaibigan

7. BORN TO BE ONE – nahuhumaling sa ideya ng single-blessedness

6. HAPPY-GO-LUCKY – tikim-tikim lang ang trip sa buhay

5. WRONG PLACE – pakiramdam e nasa maling lugar

4. WRONG TIME – feeling e may tamang panahon for love

3. RATED PG – depende kay mommy at daddy

2. TRAUMATIC EXPERIENCE – nasaktan minsan kaya ayaw na

1. EX TO THE NTH POWER – kunwaring naka-move on na pero si ex pa rin ang gusto