Samu’t Sari

Sa pagpasok ko sa trabaho sakay ng dyip at sa aking mga paglalakad pauwi, marami-rami na rin akong nakita, narinig at naobserbahang taliwas sa aking mga paniniwala at naiiba sa kung ano ang alam kong tama o mali.

Lagi kong naiisip kung bakit may ibang pasahero sa dyip na ayaw umusod at paupuin ang kapwa pasahero. Tila yata napakahirap sa kanila ang gumalaw at umayos ng upo para lahat ng pasahero ay maayos na makaupo. Oo, may mga drayber talagang nagpupuno ng dyip, naghihintay ng pasahero at tumitigil sa bawa’t kanto, hindi natin sila masisisi dahil kailangan nilang kumita. Ngunit huwag na sana tayong dumagdag sa mga pasaway na ayaw man lang umayos ng upo. Ang ibang lalaki, kung makabukaka, akala mo naman ay napakalaki ng kanilang pag-aaring laman sa pagitan ng kanilang mga hita. Ang ibang babae naman, akala mo, nakasakay sa pribadong sasakyan, akala mo ay mala-prinsesang patagilid na nakaupo.

May mga taong tagasigaw at tagatawag ng pasahero kapag may nakatigil na pampasaherong sasakyan. Karaniwan nilang isinisigaw ang mga daraanang kanto ng sasakyan. Nakagawian na ng mga drayber ang magbigay ng pera sa dispatsador bago nila paandarin ang sasakyan. Minsan, may nataunan akong nag-aaway na dispatsador at drayber ng dyip. Sabi ng drayber, “magtrabaho ka naman, oy, hindi iyong parang humihingi ka lang ng pera sa mga drayber.” Sa isip ko, sumang-ayon ako kay Mamang Drayber. Oo nga naman, kung lahat ng dadaang dyip ay magbibigay ng lima o sampung piso sa dispatsador na ang ginagawa lang ay sumigaw, daig pa niya ang kita ng mga pumapasok sa opisina.

Ang ilang kabataan ngayon, hindi ko na mawari kung anong klaseng pagpapalaki ang kinagisnan nila. Magaslaw. Maligalig masyado. Bastos kung magsalita. Walang pakialam sa mga taong nakapaligid. Kung anu-ano ang mga ginagawa kapag nasa loob ng dyip. Pinagtatawanan ang mga matatanda. Pinagtatawanan ang mga pangit.

Lagi akong kumakain ng agahan sa kantina ng opisina namin. Lagi ring dinadala ng ibang kumakain doon ang ketsap sa kanilang lamesa. Natatawa ako dahil hindi sila marunong gumamit ng maliliit na lagayan na nakatabi sa mg alagayan ng condiments.

May mga tao namang wala din sa lugar kung magalit o mangaral sa ibang tao (anak, kasamahan sa trabaho o kaibigan). Kung magbitiw sila ng pangaral, wala silang pakialam kung sa harap ng ibang tao o sa harap ng pagkain o sa loob ng simbahan. Hindi man lang nila naiisip na baka naipapahiya na nila ang kanilang pinapagalitan.

Marami pa akong naoobserbahan. Pero hanggang dito na lang muna. Saka na lang ulit.

Ang Christmas Party at mga Larong Rated-X

Sa Pilipinas ipinagdidiwang ang pinakamahabang selebrasyon ng Pasko, ANIM NA BUWAN! O baka nga higit pa. Setyembre pa lang, maririnig na sa malls at mga istasyon ng radyo ang mga kantang pang-Krismas. Kailan ba naging ganito sa Pinas?

Habang tumatanda ako, unti-unti akong napapaisip kung bakit required magkaroon ng Christmas Party sa lahat ng paaralan, opisina, at sa mga samahan. At kapag may Christmas Partyrequired din ang handaan, exchange gift at usung-uso ang pagkamabait ng mga tao. Sumasabay din ang isanlibo’t isang resolution na hindi naman natutupad pagdating ng itinakdang panahon. Required din ang mga laro na siya yatang pinakalaman ng Christmas Party. May mga larong simple gaya ng trip to Jerusalem, newspaper dancestatue dance, paunahan sa pag-ubos ng mansanas na nakabitin, pass the message, at pahabaan ng linyang mabubuo mula sa mga kasuotan at dala-dala sa bulsa.

Nag-evolve rin ang mga laro at nagkaroon ng ala-Minute-To-Win-It na mga laro. May challenge. Medyo mas mahirap laruin. Ang mga halimbawa nito ay ang pagpapatalbog sa lapis para mai-shoot sa baso o anumang lalagyan. Nandiyan din ang pag-ihip sa bola ng pingpong na nakalutang sa isang baso ng tubig at sisikaping malipat sa kabilang baso.

At higit na ikinatutuwa yata ng mga tao ay ang mga Rated-X na laro. Ang halimbawa nito ay ang paunahang pag-ubos sa iced candypopsicle na hawak ng lalaking manlalaro at ang nakatokang mag-uubos ay ang babaeng manlalaro. Mayroon ding larong mag-iipit ang mga lalaki ng talong sa pagitan ng mga hita at mag-uunahan ang mga babaeng mangunguha. Ang mananalo sa larong ito ay ang babaeng nakakuha ng pinakamahabang talong. Mayroon pang larong maglalagay ng lobo sa pagitan ng babae at lalaki. Iipitin nila ang lobo hanggang sa pumutok ito.

Hindi naman masamang magsaya sa mga laro. Ngunit ang mga larong Rated-X ay tila taliwas sa mga kinamulatang turo ng Katolisismo. Ang mga ito rin ay may sexual themes. Inaayawan o kinakastigo natin ang rapeincest at pagmomolestiya, pero okey lang sa atin ang maglaro ng mga ganitong laro. Okey lang sana kung ang lahat ay may matinong pag-iisip. Sana sa susunod na Pasko ay wala na ang mga ganito. Okey naman dati ang newspaper dance at trip to Jerusalem.

Tig-kinseng Pagkain

Muntik na akong hindi payagang mag-aral dati sa Pamantasan ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna. Ang iniisip ng Mama ko dati ay ang perang gagastusin ko. Mabuti na lang, nakapasa ako sa scholarship exam ng DOST. Ang tanong sa akin dati, paano daw kapag naubusan ako ng pera at ma-delay ang stipend ko galing DOST. Saan daw ako kukuha ng pangtustos sa aking pag-aaral. Tandang-tanda ko pa ang sagot ko noon, magagawan ko ng paraang pagkasyahin ang 2,200 pisong stipend sa isang buwan para sa bayad sa dorm, pamasahe, pagkain, tubig, damit, pang-seroks, pang-Internet at kung anu-ano pang kakailanganin sa pag-aaral.

Ang Los Baños, o mas kilala sa tawag na Elbi, ay isang Special Science and Nature City. Nasa paanan ng Bundok Makiling. Kilala sa mga produktong buko pie, espasol, isama mo na rin ang chocolate cake na tila galing sa isang mahiwagang lugar sa taglay nitong sarap at linamnam. Nandito sa lungsod na ito ang International Rice Research Institute, ASEAN Centre for Biodiversity, SEARCA at ang UP Los Baños, na sa tingin ko ay siyang nagbibigay-buhay sa tahimik na lugar na ito.

Mag-isa akong bumiyahe papuntang Los Baños. Hindi ko alam ang lugar. Bagong salta ako. Nagdepende ako sa direksyong nakasulat sa natanggap kong Freshman Kit galing ng UPLB. Lakas ng loob ang naging puhunan ko. Dahil hindi ko pa masyadong alam ang lokasyon ng mga kainan at mahiyain naman ako para magtanong, nagtiis ako na kumakain lang ng may kanin sa tanghali. Simpleng crackers lang at tubig sa umaga. Kung minsan, nakakakain ako ng kanin at sunny-side-up sa umaga. Kalimitan sa gabi, tubig na lang.

Nang magtagal at malaman ko na ang lokasyon ng mga kainan, ang naging paborito kong ulam ay kalahating gulay, tapos dadagdagan ko ng isang kanin. Fifteen pesos lang, solb na ang tiyan. Sa loob ng tatlo at kalahating taon ng pag-aaral ko sa Elbi, siguro fifty times lang ako kumain ng ulam na karne. Kaya minsan, gusto kong pagsabihan ang mga batang ayaw pumasok sa eskuwelahan na ang baon lang ay fifty pesos. Sa monthly stipend kong 2,200 piso, nakapagtapos ako ng kolehiyo. Sa tig-kinseng pagkain, nakatapos ako ng pag-aaral.

Magkano na ba ang kalahating gulay at kanin ngayon? Twenty-two pesos? Mura pa naman. Huwag muna maghangad ng baby back ribs o French fries o hamburger. Saka na lang kapag may sarili ka ng trabaho o pinagkakakitaan. Sa ngayon, magtiis sa kung anuman ang mayroon ka o kung magkano ang kayang ibigay ng mga magulang mo. Huwag kang brat.

Sure Ka Ba?

Nandito na naman ako sa paborito kong tambayan. Bukod don sa isang barista, wala nang nakakakilala sa akin. Hindi nila alam na ang paborito kong orderin ay matcha latte. At sinasamahan ko ng warm water. Sabi kasi ng nabasa kong artikulo, ugaliing uminom daw ng tubig, kontra impatso, kontra high blood at kontra heart attack. Kahit nga sa buhay natin, kailangan natin ng mga taong parang tubig, pangontra sa stress, pangontra sa mga taong ikinabubuhay yata ang pagsira o pagdisrespeto o pagtawa sa failure ng iba. Iyan ang natutunan ko kay Jesa, ang kaibigan kong kakauwi lang galing Britanya.

First time ulit naming magkita pagkatapos ng walong taon. Habang ako ay nagpapakasarap sa buhay ko sa Pilipinas, siya naman ay nagpapakahirap sa Britanya. Samu’t saring paghihirap ang dinanas niya. Homesickness, diskriminasyon sa trabaho, pangungutya ng ilang taong itinuring niyang kaibigang kapwa Pinoy din. Sa lahat ng ito, pinakamatindi ang trauma na dinanas niya sa huli – ang pag-“traydor” sa kanya ng ilang kaibigang Pinoy.

Upang maibsan ang kalungkutan niya sa bansang Britanya, sumali siya sa volleyball club sa komunidad kung saan siya nakatira. Noong una, dalawa lang silang Pinoy. Mabait si Grace. Matanda sa kanya ng limang taon. Nakapangasawa ng Aleman. Noong magkakilala sila, malapit na itong umalis. Titira na sila ng kanyang pamilya sa Alemanya. Ganoon pa man, kahit kaunting oras lang ang pagiging magkaibigan nila, naramdaman niyang mabait si Grace. Hanggang sa umalis na nga si Grace. Naiwan siyang mag-isang Pinoy sa kanilang club.

Hindi naman nagtagal at nakapag-aya siya ng ilang kaibigang Pinoy upang sumali. Tumagal ang ganoong set-up sa kanilang buhay. Dalawang taon. Lalong tumibay ang pagsasamahan nila. Dahil sino ba naman ang magdadamayan kundi sila.

Kaya hindi inakala ni Jesa na darating ang panahong magkakasiraan sila ng kaninyang mga kaibigang Pinoy. Dahil likas na mabait si Jesa, marami siyang naging kaibigan. Hanggang sa sumapit ang panahong kailangan nilang mag-elect ng kanilang club officers.

Sabi ng isang Pinoy, “ino-nominate ka namin bilang Fund Manager.” Sumagot si Jesa na “iba na lang.” Napag-usapan din nila ang isa pa nilang kasama bilang Assistant Captain. Nagtanong daw siya, “kaya na ba niya?” Bigla daw sumagot si Marie. “Kaya siguro ayaw mong maging Fund Manager dahil gusto mo maging Assistant Captain.” Nagulat daw si Jesa sa sinabi ni Marie dahil wala naman siyang hangad na maging officer. Alam niya sa kanyang sarili na iba ang priority niya. Kailangan niya ng maraming oras sa pagraraket para makaipon agad ng malaking halaga, pang-uwi niya at pang-start ng negosyo pagbalik niya sa Pilipinas. Tinanong ko siya, “o ano’ng nangyari?”

“Hayun, nalaman kong siya pala ang nagprisintang scribe.”

“O ano ang masama kung gusto niyang magsilbi sa clubmates ninyo?”

“Wala namang masama. Siya kasi ang nagsasabi dati na parang ako ang atat na maging officer, siya pala.” Ikinuwento na rin niyang hindi lang pala iyon ang instance na siya ay siniraan ni Marie. Masakit daw para sa kanya na siya ay gawan ng ganoon dahil wala naman siyang ginagawang masama kay Marie. Kaya noong dumadalas na ang pagdisrespeto sa kanya ni Marie, nagdesisyon siyang umalis na sa kanilang club. Pagkatapos ng anim na buwan, dahil malaki-laki na rin ang kanyang naipon, nagplano na rin siyang maghanda sa pagbabalik niya sa Pilipinas.

Ikaw, sure ka ba sa mga kaibigan mo? Baka mayroon sa kanilang palihim kang sinisiraan. O baka mayroong katulad ni Marie. Pero sabi nga nila, ang tunay na kaibigan ay nakikilala sa oras ng kagipitan at hindi sa oras ng karangyaan.

Mga Bagay-Bagay Na Aking Natutunan at Nalaman

1. Ang cabbage pala ay pwedeng maging dahilan ng goiter.

2. Ang sasakyang may tatak na For Official Use Only ay pwede rin palang gamitin ng dyanitor at ng iba pang mababang kawani ng isang opisina. Akala ko kasi noon, pang-opisyal lang talaga. Kaya naman noong hindi ko pa alam, bawa’t sasakyan na may ganitong tatak ay tinitingnan ko para makita kung sino ang sakay nito. At alam mo ba kung kelan ko nalamang pwedeng sumakay ang dyanitor sa ganitong mga sasakyan? Hmmm (huwag kang tumawa haha) pagka-graduate ko sa college.

3. Pwede palang mag-download ng movies, songs, e-books, at mga scandal sa Internet.

4. Flexible pala ako. Kaya kong paabutin ang aking baba sa sahig habang nakaupo at nakabukaka.

5. Hindi ako pwedeng maglaro ng Counter-Strike at iba pang kauri nito kasi nahihilo ako after two minutes.

6. Ang kape pala ay panlaban sa sakit ng ulo. Kaya naman to the max ang pag-inom ko ng kape pag nasa office ako.

7. Kapag nangangati ang lalamunan at nakakahiyang umubo, pwedeng sundutin ng daliri ang loob ng tenga (kung saan ang kayang abutin) para mawala ang pangangati.

8. Ang call center ang isa sa mga pinakamalamig na lugar sa mundo, yung tipong kahit lobby ay kailangan mo ng 3-layer jacket.

9. Masarap palang mag-boxers lalo na kapag mainit ang panahon.

10. Mahal ko pala siya.

11. Kapag may Part 2 na karugtong ng pamagat ng isang palabas sa telebisyon, hindi ito nangangahulugang mas mahaba ang oras na ieere nito kaysa sa karaniwang haba nito. (Dati kasi, akala ko mas mahaba ang Part 2. Halimbawa, kung karaniwan ay 30 minutes yung palabas, nagiging 1 hour o isang oras ito kapag may nakalagay na Part 2.)