Alas-dos ng madaling araw. Kadarating ko lang sa Maynila. Medyo malamig ang hangin. Buti na lang, nakasuot ako ng sweater. Gusto ko sana mag-Grab pauwi sa bahay pero iniisip ko ang pamasahe. Mahal. Wala naman akong hinahabol na meeting o appointment.
Nagpasya akong maglakad pa-EDSA. Tahimik ang kalsada. Parang walang nagdaang putukan. Medyo malinis ang lansangan. Walang bakas. Baka naman nakapaglinis na agad. O biglang nagkadisiplina ang mga tao at sumunod sa batas na bawal nang magpaputok. May mga bahaging mabaho. Di ko alam kung dahil sa imburnal o sa iba pang dahilan. May mangilan-ngilang nakatambay. Abala pa rin ang mga nadaanan kong terminal ng bus.
Biglang nag-vibrate ang celfone ko. Di ko sana sasagutin, pero dahil nakalagay ang earphones ko ay awtomatikong nasagot ang tawag.
“MATTEOOOO!!!” Ang aga-aga pero medyo malakas ang boses ng nasa kabilang linya. “Hello. Yes?,” malumanay kong sagot.
“Nasa Maynila ka na ba? Tara sa La Union.” Napaisip ako. Kadarating ko lang sa Maynila, gagala na naman ako.
“Pasensya na, bro. Kararating ko lang. Baka hindi na ako pauwiin sa bahay kapag umalis na naman ako.” Sabi ko sa kausap ko.
Nakarating na ako sa EDSA. Nag-abang ako ng bus sa harap ng Jollibee, sa ilalim ng overpass. Hindi iyon ang designated stopover. Ngunit minsan, nagiging pasaway ako. Ginagaya ang ibang mga tao na nag-aabang ng masasakyan sa lugar na iyon. Madaling-araw naman. Tulog pa ang batas-trapiko. Tulog pa ang mga pulis.
Sumakay na ako sa unang bus na dumaan. Ordinary bus lang. Pero okey lang naman dahil maaga pa naman. Di pa mainit para magbiyahe. Pagkasakay ko, napansin kong pito lamang kaming pasahero. Idagdag mo ang drayber at konduktor. Bale siyam kaming nakasakay sa lumang bus na bumagtas sa kahabaan ng EDSA. Mabilis magpatakbo si Mamang Drayber. Hindi rin siya naghihintay ng pasahero. Kapag walang bababa o sasakay ay hindi siya nagtatagal sa mga stopover.
Pagdating sa Magallanes station ng tren, may pumarang pasahero. Nang babalik na ang bus sa linya ng trapiko para sa Alabang, may humarang na dalawang bus. Akala ko ay magbababa ng pasahero sa elevated na kalsada. Sabi pa ni Mamang Drayber, “Mali iyang ginagawa nila.” Mali nga naman ang magbaba ng pasahero sa hindi tamang babaan. Bukod sa nakakaabala sa daloy ng trapiko, inilalagay pa ang buhay ng mga tao sa alanganin.
“AKIN MUNA!!” May narinig akong sigaw mula sa mga bumababang tao sa bus na nasa harapan. Tiningnan ko ang nangyayari. Naglilipat pala ng pasahero. “Anim na Alabang, apat na Sucat, dalawang Bicutan.” Nag-mental-Math ang konduktor ng bus na sinasakyan ko. Magaling! Mabilis mag-compute. Parang may nangyaring palitan ng epektos. Mabilis. Walang bakas.
Ngunit, akala ko ba ay mali ang ginagawa ng dalawang bus sa unahan. Natawa ako sa isiping pumayag na rin ang drayber namin dahil nanghihinayang siya sa kikitain. Mula sa pitong pasahero ay biglang napuno ang bus. Kinandong ko na ang aking mabigat na backpack na kanina ay katabi ko.
Everything is nothing until it becomes personal.
Naging relevant na naman ang aral na napulot ko sa pagbabasa ng maikling kuwento na “The Lottery.” Napaisip ako kung ganoon din ba ako. Napangiti ako. Oo, inaamin ko. Sadya sigurong ganoon lahat ang mga tao. Hindi kayang isabuhay ang “walk the talk” na sistema. Katulad ng kakilala kong palasimba at tila di-makabasag-pinggan kapag nasa harap ng mga istranghero, pero hindi pala mainam ang pakikitungo sa mga kakilala.
Sana hindi ako malulong sa droga na tawagin natin ay “pakitang-tao”.