Si Iris

Kahapon ay sinubukan kong tumambay sa isang bagong tayong coffee shop. Parating ang bagyong si Nina kaya medyo hindi matao ang lansangan. Nakakatamad din kasing lumabas kapag umaambon at medyo malamig ang ihip ng hangin. Mas maigi pang mamaluktot at magkumot sa kama.

Si Iris ang cashier. Magiliw naman siyang nakipag-usap sa akin habang ako ay nagbibigay ng order. At dahil nakakabighani ang kaamuhan ng kanyang mukha, umupo ako malapit sa counter at nakaharap sa kanya.

Nagpanggap akong busy sa aking ginagawa. Ngunit di ko mapigilang lumingon sa kung saan siya nakapuwesto. Minsan, may kausap siyang kustomer. Higit siyang gumaganda kapag ngumingiti siya. Minsan, kausap niya ang kanyang katrabaho. Sinisikap kong hulihin kung mayroon siyang suot na singsing, pero wala ako makita. Baka bawal sa kanila. At natawa ako sa aking sarili nang maisip ko ang una naming date. Masyadong mabilis.

Babalikan ko si Iris. Gusto ko ulit makita ang kanyang matamis na ngiti.

Advertisements

Ang Christmas Party at mga Larong Rated-X

Sa Pilipinas ipinagdidiwang ang pinakamahabang selebrasyon ng Pasko, ANIM NA BUWAN! O baka nga higit pa. Setyembre pa lang, maririnig na sa malls at mga istasyon ng radyo ang mga kantang pang-Krismas. Kailan ba naging ganito sa Pinas?

Habang tumatanda ako, unti-unti akong napapaisip kung bakit required magkaroon ng Christmas Party sa lahat ng paaralan, opisina, at sa mga samahan. At kapag may Christmas Partyrequired din ang handaan, exchange gift at usung-uso ang pagkamabait ng mga tao. Sumasabay din ang isanlibo’t isang resolution na hindi naman natutupad pagdating ng itinakdang panahon. Required din ang mga laro na siya yatang pinakalaman ng Christmas Party. May mga larong simple gaya ng trip to Jerusalem, newspaper dancestatue dance, paunahan sa pag-ubos ng mansanas na nakabitin, pass the message, at pahabaan ng linyang mabubuo mula sa mga kasuotan at dala-dala sa bulsa.

Nag-evolve rin ang mga laro at nagkaroon ng ala-Minute-To-Win-It na mga laro. May challenge. Medyo mas mahirap laruin. Ang mga halimbawa nito ay ang pagpapatalbog sa lapis para mai-shoot sa baso o anumang lalagyan. Nandiyan din ang pag-ihip sa bola ng pingpong na nakalutang sa isang baso ng tubig at sisikaping malipat sa kabilang baso.

At higit na ikinatutuwa yata ng mga tao ay ang mga Rated-X na laro. Ang halimbawa nito ay ang paunahang pag-ubos sa iced candypopsicle na hawak ng lalaking manlalaro at ang nakatokang mag-uubos ay ang babaeng manlalaro. Mayroon ding larong mag-iipit ang mga lalaki ng talong sa pagitan ng mga hita at mag-uunahan ang mga babaeng mangunguha. Ang mananalo sa larong ito ay ang babaeng nakakuha ng pinakamahabang talong. Mayroon pang larong maglalagay ng lobo sa pagitan ng babae at lalaki. Iipitin nila ang lobo hanggang sa pumutok ito.

Hindi naman masamang magsaya sa mga laro. Ngunit ang mga larong Rated-X ay tila taliwas sa mga kinamulatang turo ng Katolisismo. Ang mga ito rin ay may sexual themes. Inaayawan o kinakastigo natin ang rapeincest at pagmomolestiya, pero okey lang sa atin ang maglaro ng mga ganitong laro. Okey lang sana kung ang lahat ay may matinong pag-iisip. Sana sa susunod na Pasko ay wala na ang mga ganito. Okey naman dati ang newspaper dance at trip to Jerusalem.

Nang Magdeklara Ng Cold War Si Haring Ramon

Si Haring Ramon ang bida

Sa kanyang mga kaibigan,

Sa kanyang mga nasasakupan.

 

Magaling siyang magpatawa,

Magaling siyang magpasaya,

Lumbay mo’y mawawala.

 

Ngunit nang magdiwang ng pagkapanalo

Ang kaibigang si Haring Leonardo,

Hindi siya pinadalo.

 

Nainis siya sa kanyang kaibigan

Kaya bilang ganti, hindi na rin niya pinabibigyan

Ng imbitasyon ang kanyang kaibigan.

 

Nag-i-status siya sa kanyang efbi,

Naka-restrict na ang kaibigan,

Hindi na rin niya ito tina-tag.

 

Lingid sa kanyang kaalaman,

May nagpapakita kay Haring Leonardo

Sa kanyang mga efbi post.

 

Kaya, nag-post si Haring Leonardo,

Ang like sa efbi post ay hindi sukatan

Ng buhay, ng pagkakaibigan, ng pag-ibig.

Buti Pa Si Ate, Madaling Naka-Move On

Bonifacio Day. Araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio. Birth anniversary. Ang titulong Gat ay para sa mga bayani. Dalawang impormasyon para sa mga taong hindi alam ang Gat at kung ano ang kahalagahan ng ika-30 ng Nobyembre.

Ngunit hindi iyan ang laman ng aking kuwento ngayong araw. Sabi nga ni Mamang Drayber, halidi daw ngayon. Pero ako ay papasok sa trabaho, overtime, na hindi puwedeng singilin. May kailangan akong tapusin. Naghahabol ako ng deadline.

Heto na nga, sumakay ako ng dyip na may karatulang Pasay MOA. Nadatnan ko na doon ang isang nanay na kasama ang dalawang cute na cute na anak, at dalawang magkaibigang babae. Nag-uusap ang magkaibigang babae. Tungkol sa pag-ibig. Whew! Usapang pag-ibig sa umaga. Medyo mabigat sa loob.

Kaibigan 1: So paano kayo nag-break?

Kaibigan 2: Simple lang. Nag-usap kami. Nagsabihan ng disappointments. Nagsabihan ng what-ifs?

K1: Pinag-usapan pa ninyo ang what-ifs? Para saan pa?

K2: Ina-assess namin kung pwede pa maisalba.

K1: Pero paano ka nag-move on?

K2: Tinulungan ako ng iba naming kasama sa trabaho. Basta noong uwian na, pinilit akong isinama sa ruta nila pauwi para lang hindi kami magkasabay. Inikot-ikot ako hanggang sa EDSA, sa Guadalupe, tapos ibinalik ako sa MRT Pasay.

K1: E paano iyong the morning after?

K2: Okey na ako. Madali lang akong nag-move on.

Sa loob-loob ko, wow! ambilis mag-move on ni Ate, buti pa siya. Kung ang lahat ng tao kagaya niya, wala na sanang nagsu-suicide dahil sa sakit na nadama. Wala na rin sanang tumatambay sa Roxas Boulevard sa oras ng sunset o kaya ay sa hatinggabi para tahimik na makaiyak at kausapin ang mga alon at bituin.

Kaya siguro sila naghiwalay, wala na talaga silang nadarama sa isa’t isa, mabilis na naka-move on si Ate. Pero bumilib talaga ako sa kanya! What a Taylor!

Nagbibihis ang Bicutan

Isa o dalawang buwan pagkaupo ng kasalukuyang Pangulo ng bansa, nalinis na rin ang bahaging rotonda ng Bicutan papunta sa Camp Bagong Diwa. Napaalis na ang mga ilegal na nagtitinda sa gilid ng daan, na sa totoo lang naman ay nakakasikip. Nakakarindi. Nakakainis dahil kasama sila sa dahilan ng pagsisikip ng kalsada. Sila ang nasa bangketa. Ang mga taong naglalakad, nasa kalsada na mismo naglalakad. Na nagiging dahilan ng pagsisikip ng kalsada para sa mga sasakyan.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng walong taon, ngayon ko lang naranasan ang malinis na bangketa — walang sidewalk vendor. Nakakatawa nga dati, nagtayo pa ng maliliit na tindahan na nakakabit sa bakod ng isang ahensya ng gobyerno. Ang bangketa ay ibinigay sa malilit na kapitalistang nagbebenta ng mga bagay-bagay na inangkat na kwestyonable ang kalidad, gawa sa plastik at madaling masira.

Sa mall naman, nadadagdagan ang mga establisiyementong kilalang pang-alta-sosyedad. Nandiyan ang kapihang hindi maintindihan ng nakararami kung bakit ganoon na lang ang presyo. Ang tindahan ng donat na kung tutuusin ay mukhang binilog lang naman na harina, nilagyan ng asukal o kaya ay binalutan ng kung anu-anong sangkap.

Nagbibihis ang Bicutan. Lumalabas na ang higit na marangya nitong kulay. Gumagrabe din ang lagay ng trapiko.

Usapan sa Dyip

Long weekend na naman. Dadagsa na naman ang mga tao sa lansangan, hindi para magprotesta, kundi para mag-abang ng masasakyan pauwi ng kani-kanilang probinsya. Suwerte ang mga may reservation dahil hindi na sila magpapakahirap sa pagpila bilang chance passenger.

Hindi lang terminal ng mga bus ang punuan. Pati ang lansangan, puno ng dyip at pribadong sasakyan. Lahat abala sa pag-uwi. Lahat nag-uunahan. Pilit inuunahan ang traffic jam ng Metro Manila dahil tunay namang pinakamasamang lagay na yata ng trapiko ito. Masyadong maraming sasakyan. Masyadong maraming tao sa Maynila. Kailangang magbawas. Kailangang bumalik na sa probinsya ang mga wala namang matinong trabaho sa Maynila. Napapanahon na siguro ang federalismo. Hahaha.

Sumakay ako ng dyip na lima lang ang nasa loob: magkatabing dalawang babae sa gitna ng mahabang upuan sa likod, mag-asawa siguro ang nasa harapan, at obkors, si Mamang Drayber.

Naabutan kong nag-uusap ang dalawang babae. Tungkol sa amoy ng kani-kanilang asawa pagkagaling sa trabaho. Sa bagal ng usad ng takbo ng dyip, hindi ko naman mapigilang marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

B1: Asawa ko, pag-uwi galing trabaho sa hapon, amoy-araw.
B2: Hubby ko din.
B1: Dati di naman siya ganon. Ngayon na lang.
B2: Okey na yan. Dahil ang lalaki, mabaho talaga. Pero di ba, okey lang naman ang pagkabaho nila.

Nakakatawa minsan. Hindi ko malaman kung mga Westerner lang ang racist at sexist. Ang mga Pinoy, nagagalit kapag nakakarinig ng masamang balita tungkol sa Pilipinas o sinisiraan ang pagkatao ng mga Pilipino. Pero tayo mismo, gumagawa din ng stereotyping. Katulad niyan, ang mga lalaki, dapat hindi mabango. Dahil kapag mabango, hindi yan lalaki. Ang mga babae, dapat mabango. Kapag hindi mabango, hindi malinis sa katawan. Dugyot.

Marami pang iba. Pero sa susunod na lang. Para may mapagkuwentuhan tayo kapag nagkasabay tayo sa dyip o sa paborito kong kapehan.

Usapan sa Kapehan

Nandito na naman ako sa aking tambayang kapehan. Bakante pa ang aking unofficially official mesa. Dumiretso na ako doon para pumuwesto. Alam na naman ng counter kung ano ang aking usual na inoorder. Pumunta ako sa counter para magbayad. Mocha frappe, masarap pero bawal sa mga nagnanais pumayat at maghanda para sa summer sa susunod na taon.

Binuksan ko ang aking laptop para magsulat at gumawa ng kung anu-ano, kasama na ang artikulong ito. Sa aking pagbabasa ng mga balita sa isang news website, nabulabog ako ng tatlong kabataang dumating. Malakas ang impluwensiya nila sa lagay ng ingay sa paligid ng kapehan. Nadiskaril ang iilang nakaupo na nasa intensity 2 sa kanilang intensity 9.

Kapehan naman ang kinalalagyan namin. Demokrasya ang umiiral sa bansa kung nasaan ang kapehan. So walang nagbalak sumita sa tatlong kabataan.

At nagsimula na nga ang kanilang kuwentuhan. Mga mag-aaral pala sila sa isang malapit na pamantasan. Sociology marahil ang kanilang kurso. Dahil ang kanilang talakayan ay tungkol sa mga tao sa ilalim ng MRT Taft Station. Nadaanan ng isa kanila sa pagpunta sa kapehan.

Balak daw mag-tweet ng isa at i-tag ang MMDA sa kanyang nadaanan kanina sa ilalim ng MRT Taft Station. Ginagawa daw terminal ng mga taksi at dyip ang ilalim nito na nagiging sanhi ng matinding trapiko sa lugar na iyon.

Sagot ng isa, kahit ano pang gawin daw ng kung sinumang maluluklok na opisyal ay mahirap nang mabago ang sitwasyon sa Metro Manila. Nakasanayan na daw kasi. Namihasa na ang mga taong makipagsiksikan sa Maynila para maghanap ng trabaho, magtrabaho at kung anu-ano pang dahilan. Naalala ko tuloy ang sinulat ko dati tungkol sa mga street vendor, na ang kanilang pagtitinda sa tabing-kalsada ay tinawag kong legalisednaturalised illegalities.

Sabat naman ng isa, mabuti nga daw at may ginagawa ang kasalukuyang pamahalaan para malinis ang Metro Manila. Mabilis daw umaksyon. Walang halong pakitang-tao o pabango sa midya.

Sabi ng isa pagkatapos sumipsip sa kanyang iced latte, mahirap daw atakehin ang mga nakatira sa lansangan dahil ikaw ay babatikusin ng mga human rights group at ilang aktibista. Masasabihan kang hindi makatao.

Sagot ng isa, naiintindihan daw niyang ang mga taong nasa lansangan ay nangangarap ding umangat sa buhay kaya ginagawa ang samu’t saring bagay para lang kumita. Ang mga nakapilang dyip at taksi sa ilalim ng istasyon ng tren ay nagtatrabaho lamang para sa kanilang pamilya, para sa kanilang ikabubuhay.

Sagot ng isa, umaayon naman daw siyang sila ay nangangarap guminhawa ang buhay, ngunit huwag naman daw sanang labag sa batas. Magtrabaho daw nang naaayon sa batas. Hindi lang sa Maynila may trabaho. Oo, maraming pagkakakitaan sa Maynila, malaki ang sahod.. pero mataas din ang cost of living. At sa Maynila din daw maraming madudukutan, mahoholdap, at mapagkikitaan nang madali.

Hindi ko na sinundan ang kanilang pinag-uusapan. Napagod ako sa isiping gusto konrin sanang malinis ang mga lansangan ng Metro Manila. Gusto ko rin sanang wala nang lumalabag sa batas. Napagod ako sa isiping may mga taong kokontra sa mga panukalang makakabuti sa lahat in the long term. Napagod akong isipin na ang ilang tao ay short-term lamang ang ikinukunsidera sa kanilang reasoning.