Si Mama

Si Mama, matatag. Mainitin nga lang ang ulo dahil may dugong Espanyol, parang si Lolo, parang ako. Madaling mag-init ang ulo. Sensitive kumbaga. Pero may mga bagay na higit kong naaalala tungkol kay Mama.

May green thumb si Mama, parang si Lolo, parang ako. Kayang bumuhay ng maraming uri ng halaman. Marahil hindi na ninyo nakita kung gaano kayabong ang mga halaman dati sa bakuran namin. Marami siya dating tanim na bugambilya, orkidya, water plant, mayana, cactus, sansevierria at marami pang iba. Ngunit ang pinakapaborito niya ay ang mga anthurium. Kaya niyang buhayin ang mga ito gamit lang ang uling, bunot at kaunting lupa. Kaya kapag nag-require sa school ko noon ng halaman bilang project, wala akong problema. Pati mga kapitbahay, wala ding problema. Required kaming magdilig ng mga halaman sa hapon, pagkagaling sa school. Maalaga siya sa kanyang mga halaman. Katulad ng pag-aalaga niya sa amin. Parang sa Lolo ko, maalaga sa kanyang tanim na mga gulay at punongkahoy, namumunga man yan o hindi.

Maganda sumulat ang Mama ko, legible. Parang si Lolo. Parang ako, anila. Kung may assignment ako noon na essay o feature article, tinutulungan niya akong gumawa. Pati iyong ni-submit ko na maiksing sanaysay para ma-shortlist sa school paper ng high school na pinasukan ko, siya ang gumawa. Sa kasamaang-palad, hindi ako nakapasa. Pero noong second at third year na ako, nakapasok ako at nakasali sa iba’t ibang Press Conferences sa kategorya ng pagsulat ng balitang isports at cartooning. Noong fourth year ako, nahirang akong Ulong Patnugot ng aming school paper. Hanggang sa mag-aral na ako sa college, sa Mama ko pa rin nagpapagawa ang ilan naming kapitbahay ng kanilang assignment na essay.

Ang investigatory project ko noong high school ay pag-aaral sa paglaki at pag-usbong ng tatlong variety ng anthurium gamit ang iba’t ibang uri ng medium katulad ng loam soil, bunot at uling, at ipa ng palay. Nanalong third place sa school namin ang aking proyekto. Tuwang-tuwa ako noon. Kaya siguro nadala ko ang kanyang legacy noong nag-kolehiyo ako. Tungkol pa rin sa halaman ang aking BSc thesis, Phytodemography and Phenotypic Variation of Strongylodon macrobotrys Ait in Mount Makiling Forest Reserve. Dahil siguro sa kanya kaya nagustuhan ko ang eksperimentong ginawa namin noong nasa elementarya ako, ang pag-aaral sa pag-blue ng puting bulaklak kapag nakababad magdamag ang ugat sa tubig na nilagyan ng asul na tinta. Sa Haynayan (Biology) at Kapnayan (Chemistry) siguro ako itinadhanang mag-excel, dahil parehong sa Upnayan (Physics) ako muntik ng bumagsak noong high school at kolehiyo. Wala naman akong masyadong problema sa Math at English, dahil na rin siguro sa maagang pagmulat sa akin ng aking Mama sa multiplication table, scrabble at skrib-age.

Si Mama, matatag, kayang solohin ang problema. Kaya niyang sarilinin ang sakit. Parang si Lolo. Pero hindi ko sila katulad.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s