Alas-kuwatro ng umaga. Bumangon ka. Madilim ang paligid. Wala nang masyadong maaninag ang iyong mga mata dala ng katandaan. Brownout na naman pala, marahil hindi na naman sila nakabayad. Kung tutuusin, wala ka namang pakialam. Dahil kung mayroon mang kuryente, hindi ka rin lang naman makapanood ng gusto mong palabas.

Ikinapa mo ang mga nangangatog na mga tuhod. Kinuha mo ang flashlight sa bandang paanan mo para may magsilbi kang ilaw. Dahan-dahan kang lumakad patungo sa pintuan. Hinawakan mo ang kurtina na siyang nagsisilbing tabing sa kuwarto mo. Tulog pa ang mga kasama mo sa bahay. Sa mababang hakbang ng sementadong hagdanan, sinikap mong makalakad kahit nahihirapan ka na. Ayaw mong maging pabigat sa mga kasambahay mo. Kapag ganitong oras na, dati ay nagsisimula na ang araw mo sa pagluluto ng almusal at paghahanda sa mga lalabhang damit sa kalapit na ilog.

Kahit nahihirapan ka nang yumuko at maglakad ay pinilit mong kuhanin ang thermos. Magkakape ka, as usual. Gusto mo ring matikman ang cereal drink na padala ng iyong apong nagtatrabaho sa Maynila. Hinanap mo na rin ang iyong mga gamot para makainom pagkatapos mong makapagkape at makakain ng tinapay.

Alam mong malakas ka. Hindi mo iniiyakan ang mga simpleng bagay. Kahit pagod na pagod ka na, nananatili kang matatag at malakas dahil sinabihan ka ng iyong isang apo na tibayan mo ang iyong loob kahit na ano pa ang mangyari. Naalala mo ang narinig mong usapan ng dalawa mong anak. Humihingi ng tulong ang iyong isang anak sa kapatid, kahit limandaan lang kada buwan pang-sustento sa iyo. Pagkatapos ng usapan nilang magkapatid, narinig mong nag-usap ang iyong anak at ang kanyang isang anak, na iyong apo. Narinig mong nagsabi daw ang iyong isang anak na hindi siya magpapadala ng pang-sustento dahil hindi naman daw niya responsibilidad. Sa sariling pamilya daw niya dapat nakatuon ang kanyang atensyon.

Hindi mo inasahang pumatak ang iyong luha dahil sa iyong mga narinig. Ayaw mong maramdaman ang sakit. Ayaw mong magalit sa anak mo. Gusto mong magtanong kung may nagawa kang pagkakamali sa pagpapalaki sa kanila. Masakit sa kalooban mo ang lahat. Ngunit alam mong kailangang tibayan ang iyong kalooban. Dahil nanay ka. Handang umunawa sa mga anak. Marahil ay naliligaw lang sila ng landas. Marahil ay may iniisip lang silang pansariling problema.

Sa tagal na nang pamamalagi mo sa bahay na iyon, kabisado mo na kung ano ang mga nangyari sa bawat sulok at bahagi. Alam mo kung saang bahagi ng bahay nadapa sa unang pagkakataon ang iyong unang anak. Alam mo kung saang sulok nagtago ang iyong pangalawang anak noong naglaro sila ng kanyang mga kapatid ng taguan. Alam mo kung saan tahimik na umiyak ang iyong pangatlong anak dahil napagalitan mo. At alam mo kung saan ang pakong unang pinukpok ng iyong bunso nang tumulong ito sa kanyang ama sa pagkukumpuni ng inyong tahanan.

Dati, matibay pa ang mga dingding na gawa sa kawayan. Na kung bumagyo at umulan ng malakas ay inaakay mo ang iyong mga apo patungo sa pinakasilong ng bahay, dahil nangangamba kang liparin ang yero at mabasa sila sa pagtulog. Nakita mo na kung ano ang mga pagbabagong ginawa sa bahay ninyo. Nawala na ang hagdanang gawa sa kawayan patungo sa kusina. Nawala na rin ang mga bintanang may kakaibang takip at isinasara sa gabi sa pamamagitan ng balunet. Nawala na rin dati ang maliwanag na gasera, na pamalit sa inyong kingki dahil may kuryente na sa lugar ninyo

Saksi ang bahay na iyon noong pumanaw ang iyong asawa. Naiwan ka. Pinilit mong magpakatatag para sa iyong mga anak at apo. Dahil mahal mo sila. Dahil kahit ano’ng mangyari, ikaw ang ina at kailangan mong manatiling matatag dahil hawak mo ang ilaw ng inyong tahanan. Kailangang panatilihin mong nakasindi ang ilaw upang makita ng iyong dalawang anak mula sa malayo ang inyong tahanan. Ang ilaw ang kanilang gabay pabalik sa iyo. Hindi ka maaaring mag-give up. Dahil ikaw ang kanilang Ina. Nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit.

Cover Photo from here.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s