Sister Cesa

(Written on 30 January 2002.)

Ewan ko kung nakikita niya ako. Basta ako, palagi ko siyang nakikita, mapagabi man, mapaaraw, mapaulan, o kahit mainit na mainit ang panahon. Nasusundan ko siya kahit saan siya magpunta, puwera na lang sa loob ng banyo, sa palikuran, at sa dressing room niya. Pribado kasi kaya nakakahiya kung panoorin ko pa siya hanggang doon.

Siya si Sister Cesa. Isa siyang madre. Kung hindi siya naging madre, tiyak na marami ang magkakandarapa sa kanya. Sigurado, isa rin ako sa mga pipila. Pero napagdaanan ko na iyon. Maraming beses pa nga akong natinikan sa pagtahak sa landas papunta sa kanya. Marami akong nilampasang mga pagsubok, kaya lang hindi ko siya naging girlfriend. Hindi ko man lang siya nahalikan, o nai-date.

Tandang-tanda ko pa nga nang padalhan ko siya ng kard. Valentine’s Day kasi noon. Sa kawalan ng pera, gumawa na lang ako mula sa isang pulang kartolina. Gumupit ako ng korteng puso at idinikit sa pinakaharap ng kard. Pagkatapos ay gumuhit ako ng rosas sa kupon ban at idinikit sa tapat ng butas na korteng puso. Nagsulat pa nga ako ng mensahe. Ang ate pala niya ang nakatanggap.

“Jerry, ang dyologs mo. Baduy!” Napatanga ako. Nasa kantin pa mandin kami. Kasama ko pa ang barkada ko. Buti na lang, haiskul pa ako noon.

Nang maging istudyante na ako sa kolehiyo, nagkaroon ako ng lakas ng loob na umakyat ng ligaw sa kanilang bahay. Medyo gumanda na kasi noon ang aming buhay. Nakapag-Saudi kasi ang Tatay ko, sa tulong ng mga kamag-anak namin.

Pawis na pawis ako noon nang humarap ang kanyang mga magulang. Kabadong-kabado ako, bukod pa sa talagang may pagkatorpe ako. Namula nga ako paglabas ng geyt nila, laitin ka ba namn sa harap ng iyong minamahal. “Ang kapal din naman ng mukha mo! Sa lagay mong iyan, liligawan mo ang anak ko? Ano’ng ipapakain mo sa kanya? Papel? Lapis? Typewriter?” naisip ko rin naman kahit papaano ang lagay na iyon. Pero, bilang isang manunulat, walang hindi posible. Kaya ko ring lagyan ng isang masayang wakas ang aming pag-iibigan kung sakali. Makakaraos din naman kami pagdating ng panahon.

Hindi ko lang alam, may gusto din pala sa akin si Cesa. Hindi niya lang masabi dahil babae siya. Masama nga naman iyon. Kapag palay na ang lumapit, alangan namang hindi pa tutukain ng manok. Alam ko ring marami siyang manliligaw noon. Gustung-gusto nga ng Mama’t Papa niya ang isang Alden. Mayaman din kasi tulad nila. Ngunit sadyang kampi ang tadhana sa akin, ako ang mahal ni Cesa.

Kapag nakikita ko siya pag gabi, umiiyak pa nga ito habang binabasa ang mga love letters na ibinigay ko sa kanya dati. Laking gulat ko pa nga nang makita kong may naka-frame na larawan ko sa kuwarto niya. Isa pa, nakikibasa rin ako sa diary niya kaya nalaman kong mahal niya ako. Hindi naman siya tanga para hindi malamang may nakikibasa sa diary niya. Hindi niya lang makita ang isang kaluluwang katulad ko. Nasagasaan ako nang lumabas ako sa kanilang bakuran noong unang beses akong umakyat ng ligaw sa kanilang bahay. Wala na kasi ako noon sa aking sarili sa tindi ng mga masasakit na salitang narinig ko. Namatay ako dead-on-the-spot.

Kaya siguro siya nagmadre.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s