Ang Kuwento ni Raygo (Part 1)

Patapos na ang unang semestre noong nakaraang taon nang maging kalapit ko si Raygo. BS Biology ang kurso niya. Ka-batch ko rin siya. Magkatabi rin lang ang aming mga kuwarto sa dorm. Tapat ng kuwarto ko ang CR, samantalang katapat ng kuwarto niya ang isang kuwartong binabaha ng tubig na galing sa CR. Nakilala ko rin ang mga roommate niyang si Leo at Jemer. Naging kaibigan rin namin ang magkapatid na Roland at Ronald, ang bigating si Jim, at si Dondon na magaling gumitara.

Pangalawang sem na nang talagang nagbibiruan, at malapit na ang loob ng bawa’t isa. Noon ko nakilalang bookworm pala itong si Jemer. Very studious, kumbaga parang laging nakahawak ng libro at nag-aaral. Ang masama sa kanya, gusto niyang palaging umuwi sa weekend pagkatapos ng drill day namin sa ROTC. Hindi niya matagalan ang buhay sa dorm pag weekend. Paano naman kasi, parang selda sa dorm. Nakakabingi ang katahimikan sa kawalan ng tao kaya di-maiiwasang mabagot ang sinuman na nasa loob. Buti na lang, may TV. Maghapong MTV pag kami ang nauna sa paghawak ng remote control. Kung minsan naman, sleep trip lang.

Itong si Paolo ay kakuwarto ko. Mabait siya. Binigyan nga niya ako ng isang poloshirt. Pinapahiram din niya ako ng kanyang sapatos. Utang na loob ko rin sa kanya ang suot ko noong Drill Night sa ROTC namin, mula polo, six-pocket na pantalon, hanggang sa sapatos, pati ang deyt ko… siya ang naghanap! Ang kapal nga ng kinalabasan ng mukha ko. Kung minsan, kapag nagdadala siya ng pagkain mula sa kanilang bahay sa Sta. Mesa, nagse-share siya sa akin… mapa-porkchop, adobo, o kahit ano. Magaling kasing magluto ang Mama niya.

Si Raygo naman… nakakatakot i-predict ang ugali niya. Kung minsan nga, kausap mo, masaya pa, tila the world goes round and round. Hindi mo namamalayan, nakasimangot na siya. Ipinagdidiinan din ang mga matang parang laging puyat. Ang itim-itim kasi ng paligid ng kanyang mga mata. Nang maging kalapit ko siya, puwede ko na rin siyang biru-biruin kahit papaano. Pero kung minsan, hindi pa rin maiiwasang magkaroon ng mood swings. Pabagu-bago siya ng timpla.

Kahit ganoon si Raygo, ginusto ko pa rin siyang maging kaibigan. Bakit? Hindi sa pagkamapagbigay niya kundi ang pagkakaroon niya ng mga pilosopiya sa buhay. Naging kalapit ko siya na nagdulot ng mga biruang sumasakop sa kahit ano’ng tema. Kung minsan, korni. At mas madalas, may halong kaberdehan.

Madalang lang ang pagkakaroon ng break sa pag-aaral, lalo pa at nasa kolehiyo na kami. Kaya kung palarin mang magkaroon ay sinusulit namin talaga. Ang iba ay naglalabas ng baraha, kasunod ang magdamag na tong-its. Kung minsan, kuwentuhan naman. Siyempre pa, hindi mawawala ang mga kuwentong may temang kaberdehan, natural lang naman para sa amin iyon. Hindi rin naisasantabi ang drama. Gaya ng isang gabi, walang sabi-sabi at biglang ikinuwento ni Raygo ang buhay niya. ewan ko kung paano nagsimula, basta narinig ko na lang na nagsimula na siyang magbukas mula sa pahina ng kanyang nakaraan.

“Alam ninyo, mas masakit isipin ang sakit sa pag-iisip,” iyon ang narinig ko mula sa kanya. Bigla kong isiningit, “bakit mo naman nasabi iyon?”

“Kung alam lang ninyo ang mga napagdaanan ko…” aniya. Halos sabay pa kami ni Jemer sa pagsasabing “Ano’ng nangyari sa iyo?” Wala na siyang nagawa kundi ilahad ang kanyang kuwentong pang-Maalaala-Mo-Kaya?

Lima daw silang magkakapatid. Siya ang panganay. Masaya naman daw ang kanyang mga magulang sa pagsilang niya. Dala ng kahirapan, ipinasya siyang ilagay sa pangangalaga ng pari sa kumbento. Ibig sabihin, limang taon pa lang ay nawalay na siya sa kanyang mga magulang. Dito niya natutunan ang makipagsapalaran sa kanyang kapalaran.

Nalaman niya ang tunay na balat na natatabingan sa mga mahahabang damit ng mga pari. Mas masahol pa daw ang pari kaysa sa mga totoong tao sa labas. Makapal ang mukha ng mga pari daw. Kung kaharap ang ibang tao, parang kung sinong santo. Maaari na ngang matawag na living saint. Kung alam lang ng mga tao na ang kanilang pinagkakatiwalaan ay isa ring alagad ng kadiliman.

Kapag nahuli daw ng gising, pinapalo sila ng tungkod sa kanilang pagkakabaluktot sa kani-kanilang mga higaan. Dapat pa nga raw mahiya ang paring iyon. Natutulog ito ng maaga, kaya natural rin dapat na maagang magising. Ang mga bata daw katulad niya, ay hanggang alas-dose dahil na rin sa mga paisa-isang pumapasok sa kanilang parokya pag gabi. Sila pa ang nagpapatunog ng kampana pagsapit ng hatinggabi. Magsisimula pa lang sila, nakarating na sa Amerika ang kamalayan ng pari. Dapat walong oras na pagtulog ang kailangan ng mga bata, ngunit dahil sa maling kabanalan ng ilang hindi makatarungang pari ay hindi ito nagkakaroon ng katuparan.

“Pagkatapos mong mapalo…”dagdag niya, “…ay paluluhurin ka pa sa bilaong may lamang mga butil ng munggo. Kapag nasiyahan ang pari, lalagyan pa ang magkabilang kamay mo ng kahit anong pampabigat.”

Kailangan mo rin daw linisin ang parokya bago ang unang misa. Hirap na nga ang katawan mo sa natamong parusa, mahihirapan ka pa sa madaliang paglilinis, dagdag pa ang pasakit sa murang damdamin ng mga batang naroon.

“Kung naghahanap sana ang inyong mga magulang ng magandang trabaho, eh di sana, wala kayo dito. Wala sana kaming pinapakain at pinoproblema,” iyon ang palaging sumbat sa kanila ng itinuturing na sugo ng Diyos sa lupa.

Naghahanap naman ang aking Tatay, kaya lang wala talaga siyang maganda-gandang trabaho, sa isip-isip daw niya noon. Naisip din niya noon na kapag wala siya ay wala nang maglilinis sa parokya, alangan namang ang pari ang gumawa noon. Maghugas lang yata ng puwet ang alam nitong gawin. Maaga rin niyang nalamang alam din naman pala ng kanilang mga kanayon ang mga nangyayari pero nanatiling tahimik dahil likas na sa kanila ang pagiging matatakutin sa pari at sa Diyos. Wala rin daw suliranin sa pera ang kanilang kura-paroko dahil naaambunan ito sa mga ibinibigay ng mga tao.

Karaniwan ding idinadagdag ng kanilang pari na “kung nagsisipag lang ang batugan ninyong mga magulang, kung marunong lang silang magplano, masagana sana ang inyong pamumuhay.”

Dinadalaw siya paminsan-minsan ng kanyang nanay. Siyempre, tuwang-tuwa siya dahil malilihis na naman siya sa galit ng kanilang “bantay.” Yakap sa ina, yakap dito, yakap doon, pati halik sa pisngi… parang nagkalayo sila nang ilang taon. Dapat lang na asahan iyon sa isang batang gaya niya, na sa murang gulang ay nawalay na sa ama at ina. Sa gabi na lang niya ninanamnam ang kaparusahang dulot ng “mapagpalang” kamay ng pari.

Kadalasang pinapag-aral ng asosasyon ng kanilang parokya ang mga batang sakristan. Kaya nagkaroon din siya ng pagkakataong makatuntong sa loob ng paaralan. Kung tutuusin ay hindi siya makakapasok kung hindi siya ibinigay sa pangangalaga ng mga pari. Maaaring hindi siya nakapag-aral kung nanatili siya sa piling ng kanyang mga magulang.

Nag-aaral na siya noon sa unang baitang nang manganak ang kanyang nanay sa kanyang magiging kapatid. Sa kasamaang palad, pagkatapos ng limang araw, namatay ito. Babae pa mandin na siyang pinakahihintay ng kanyang nanay.

“Padre, pwede pong umuwi?” agad siyang humingi ng permiso para umuwi sa kanilang bahay dahil sa nabalitaan. Sabado naman noon, kaya walang problema kasi wala namang pasok sa eskuwela.

“Bakit ka uuwi?” tanong ng pari. Sinabi niyang namatay ang kanyang kapatid at kailangan siyang nandoon. Laking tuwa niya noon nang siay ay payagan.

Gaya ng kanyang inasahan, marami na agad ang mga tao. “Tiya, nasaan si Nanay?” Nagkatinginan ang mga taong nakarinig. Sinabi sa kanyang pumunta lang daw saglit sa Maynila upang magpagamot. Lumipas ang maghapon na hindi niya nakita  ang kanyang nanay. Hindi na niya nahintay pa dahil kailangan niyang bumalik sa kumbento. Linggo bukas at kailangan nilang mag-ayos para sa misa.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s