Derecho Lang, Dude!

Tandang-tanda ko pa noong una ko siyang makita sa highway. Naghihintay ng masasakyan. Malayo pa lang, natanaw ko na siya. Kaso, may bus sa harapan ko. Biyaheng Cubao ako. Hindi ko lang alam kung ano ang signboard ng bus na nasa unahan ko. Pumara siya. Hinintuan siya. Hindi ko siya naisakay. Naisip ko, a baka, isa lang siya sa mga pasaherong nakita ko na maaaring makikita ko ulit o iyon na ang una at huling pagkakita ko sa kanya. Sabi ko sa aking sarili, diretso lang, dude, at baka maubusan ng maisasakay.

Papalit-palit ang schedule ng biyahe ko. Kaya iba’t ibang oras at lugar ako nagsisimula ng aking pagbibiyahe. Iba’t ibang araw, iba’t ibang mukha. Iba’t ibang destinasyon, iba’t ibang tibok ng puso. Iba’t ibang ikot ng gulong, iba’t ibang uri ng pag-asam sa muling pagkikita.

Pagkatapos ng isang linggo, nakita ko ulit siya. Buti na lang, mas maaga akong nagsimula. Pumara siya. Hinintuan ko siya. Higit palang maganda siya sa malapitan. Mas matamis na ngiti, mas mabilis na pintig ng puso. Buong araw akong nakahawak sa manibela nang walang naramdamang pagod. Tila kaygaan ng lahat. Tila balewala sa akin ang pagtapak sa silinyador, pag-ikot sa manibela, at pagpreno.

Dahan-dahang lumipas ang mga araw. Ngunit tila kaybilis ng bawa’t biyaheng kasama siya. Gustung-gusto kong makapagsimula agad para ako ang makapagsakay sa kanya. Ayaw na ayaw ko namang umusad pag nakasakay na siya. Nalulungkot kasi ako pag nakikita ko na siyang lumalabas sa pintuan. Kahit araw-araw siyang sumakay, hindi ako mapapagod. Hindi ako magdadalawang-isip na magpatulin para lamang maunahan ang mga sasakyang kapareho ko ng signboard. Pero sabi nga nila, hindi lahat ng pasahero ay makukuha mo.

Isang araw, may bagong bus na kapareho ko ng ruta. Naaasar ako kasi mas mabilis siya. Mas may angas magpatakbo. Samantalang ako, pinapatakbo pa rin ang dating sasakyan. Parehong likha, parehong tulin. Nagsawa na siguro siya.

At iyon nga, hindi ko na siya naisasakay mula noon. Gusto kong baguhin ang aking bus. Gusto kong gawing mas mabilis, mas bago, mas makinang, mas maganda angsound system. Pero wala akong magawa. Drayber lang ako. Alipin ako ng may-ari. Kahit sweet lover ako, wala akong lakas ng loob na magsabi para bumili ng bago.

Ang hirap naman nito. Napamahal ka na sa isang pasaherong hindi na sumasakay sa iyong bus. Naisip ko, diretso lang, dude. Pero ang hirap pala.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s