Bagong Ngiti, Bagong Pagkabigo

Ilang beses din akong nagparoo’t parito sa simbahang iyon bago ko naisip na siya na nga talaga ang bumuo sa aking puso. Hindi ko maikakailang sa bawa’t hakbang ng aking kanang paa ay inaasam ko ang paghakbang din ng kanyang kanang paa sa parehong lugar at oras kung saan ako naroroon. Ibig sabihin, gusto kong lagi siyang kasabay sa lahat ng aking gagawin – pagkain ng tempura, paglagok ng float, panonood ng pelikula, paglakad sa ma-dyip na lugar, at pagtambay sa lilim ng Magnolia. At pinakamahalaga sa lahat ay ang pagtanaw ko sa aking kinabukasan… sa aming umaga.

Kung tutuusin, magkalayo ang istilo ng kulturang kinagisnan namin. Hindi sa siya ay isang banyaga, kundi magkaiba ang paraan ng aming pagkapalaki. Hindi ko sinasabing mali sa kanya. Magkaiba lang ang aming mga paniniwala at gawi. Mayroon din naman kaming pagkakahawig. Kung minsan, may mga nagagawa siyang tila hindi sang-ayon sa aking iniisip tungkol sa kanya. Marahil may mga nagagawa din akong hindi kaaya-aya para sa kanya. Nguni’t sadya sigurong ganoon. Kung mahal mo ang isang tao, lahat mamahalin mo ang lahat ng bumubuo sa kanyang personalidad – pangit man o maganda, mabuti man o masama.

Nagkaroon ng di-inaasahang pagbabago ang aking kapalaran. At sa pagbabagong iyon ay hindi ko nabatid na magkakaroon ng lamat ang aming pagitan, at nalaman ko lang iyon nang patagal ng patagal ang aming pagkakalayo. Ultimo maliit na bagay ay nagiging sanhi ng aming di-pagkakaintidihan. Kahit iyong mga bagay na di-dapat sabihin o kung kailangan man ay di-sinasadyang nasabi nang di-maayos. Hindi ko namalayang pabalik na pala ako sa dating ako, doon sa dating kumunoy.

Hindi ko kailanman nasabing gaano niya napapaganda ang aking paligid, napapasaya ang tunog ng hangin, at napapabango ang sinag ng araw. Wala akong lakas. Kung mayroon man, kulang para manatiling nakatayo ako sa kanyang harapan. At sa bawa’t pihit ng gulong ng aming tadhana, lalo akong napalayo ang aking sarili. Hanggang sa umabot sa puntong naisip kong hindi talaga kami para sa isa’t isa.

Lumipas ang aming mga araw. Lalo ko siyang hinahanap habang dumarami ang bilang ng araw na magkalayo kami. Nagkaroon ng mga panahong magkikita na dapat kami pero mailap ang tadhana. Lagi niyang ipinapaalala na ang bagong ngiting nakita ko ay hindi pagtatagumpay sa pagkawala sa kumunoy kundi isang bagong kumunoy.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s