Bagong Umaga, Bagong Pag-asa

Kung minsan, nakakagawa tayo ng mga desisyong tila dala ang liwanag ng araw at pag-asang makakamit natin ang minimithing kapayapaan ng loob at kaligayahang di-matatawaran ng anupaman. Kung minsan nama’y nagkakamali rin tayo sa ating pagpili na kahit ano’ng gawin nating pagpihit at paglayo ay mananatiling isang bangungot. Nguni’t hindi natin kailangang takbuhan ang isang maling desisyon. Pangatawanan natin sapagkat ito lamang ang tanging paraan para ito maging tama. We have to suffer the consequences, and hope for a brighter day. Hindi tayo makakarating sa isang bagong sulok kung patuloy nating tatakbuhan ang multo ng ating ngayon.

Huwag ka nang mag-alala. Naiintindihan kita. Pero hindi ko naiintindihan noon ang aking sarili kung bakit patuloy akong umaasa sa isang taong hindi na kailanman puwedeng magbalik. Hindi ko noon alintana ang ngiting dala ng bagong umaga. Hindi ko maramdaman ang poot at galit sapagkat ako ay nababalutan ng pag-ibig at pag-asa.

Ilang taon na nga ba ang lumipas? Ilang pagsikat na ba ng araw ang hindi ko nasilayan? Marami nang nagbago sa mga lansangan. Marami nang napatayong bagong gusali. Marami na rin ang gumuhong lupa dahil sa tubig na rumagasa mula sa langit. Marami na ang nagbago sa aking kapaligiran, pero heto pa rin ako. Parehong pag-iisip. Parehong pananaw sa buhay. Parehong pag-uugali. Parehong ako. Takot pa ring gumawa ng pangalawang hakbang. Hindi ko alam kung paano kumawala sa kumunoy na nilikha ni Ingrid.

Dalawampung araw pagkatapos na malanta ang cadena de amor sa gilid ng kalsadang lagi kong dinadaanan ay umusbong ang isang halamang nagpalito sa akin kung kukuhanin ko ba o pananatilihin sa kung saan siya sumulpot. Nanaig ang aking pagka-manggugubat. Hinayaan kong magsaboy ng kaliwanagan at kagandahan ang halaman sa sulok ng iyon ng daigdig na tinatawag ng mga tao na Los Baños.

Isang hapon, may nakita akong Babaeng tumitingin sa bulaklak ng halaman. Bumaba ako mula sa dyip at tinanong kung nagugustuhan niya ba iyong halaman. Napangiti ang Babae. Iyon ang simula ng pagkakaibigang hindi ko inaasahang uusbong sa pagitan namin. Hanggang sa naka-isang taon na pala kami. At sa loob ng panahon na iyon, marami na kaming napagkuwentuhan, napuntahan, nakainan, at pinagtawanang kalokohan. At sa bawa’t pag-asam ko na makakasabay ko rin siya sa panonood ng pagsikat ng araw ay kasabay ko rin pala siya sa pag-asam na maging malinaw ang tatahakin naming landas sa panonood ng pagsikat ng araw.

Nakalimutan kong nakalublob pa rin ako sa kumunoy na nilikha ni Ingrid. Sana makita niya ang mga paghihirap ko sa paghahanap ng makakapitan para lamang makaahon. Sana hindi siya matagalan sa akin.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s