Kapag Di-Sinasadyang Napako Ang Pangako

Maganda ang Sydney Opera House. Maaliwalas ang kapaligiran. Payapa ang paligid. Masaya ang mga tao, lalo na kapag ganitong mga panahon ng pagdiriwang ng Pasko. Ang mga tao parang laging gustong may kayakap, laging nakahalik sa mga kakilalang nakakasalubong sa daan. Kahit wala ka sa mood, mapipilitan kang maki-beso-beso kasi baka masabihan kang “Daot pa-son’s rude!” Noong una, ang hirap intindihin. Kung bakit kasi di-maliwanag ang pagbigkas nila ng r. May pakawing-kawing pa silang nalalaman sa pagsasalita. Pag mali ang nabigyan mo ng stress sa salita mo, iba na ang ibig sabihin. Dapat Tagalog na lang kasi ang salita dito para lahat nilalagyan ng stress. Mas-ma-da-li-sa-na.

Nakakaaliw dito. May itim ang buhok. May blonde. Alam ko na’ng nasa isip mo. Napaisip din ako noong una kung totoong dumb ang mga olandes ang buhok. Marami ang guwapo at maganda. Pero sabi ko noon sa aking sarili, ‘di lang siguro ako sanay makakita ng ganitong mga tao.

Kaya ako nasa Sydney ay para magpakahusay. Sayang naman ang scholarship kung babawiin lang. Kaya kailangan kong pagbutihan. Ang paghahanap ko ng makakasama sa buhay ay wala sa aking listahan… noong una. Pero nang makilala ko si Gage ay parang may kumulo sa aking loob. Nagulo tuloy ang aking focus. Sino ba naman ang makakaiwas pag nginitian ka ng isang taong tila gising na gising nang magsabog ang Diyos ng kaguwapuhan. Maputi siya. Matangos ang ilong. Kulay asul ang mata. Half-Brit, half-Aussie siya. At siya’y blonde. Di ko nga alam e kung paano nilang nasabing dumb ang mga blonde. Matalino naman siya. Kumbaga, good catch siya. Matalino na, guwapo pa.

Noong una, nalilito ako. I left my heart in the Philippines ang drama ko. Pero di-nagtagal, nahulog ako sa bitag ni Gage. Parang laging gusto ko siyang dambahin. Ikinasal kami nang wala pang nangyayari sa amin. Natuwa ako doon. Pero di-nagtagal, nadama kong hindi pala ito yung gusto kong mangyari sa buhay ko. Ayokong umiiyak sa bawa’t pagkakataong alam kong may kasamang iba si Gage sa ibang lugar.

Naisipan kong tawagan ang aking Mama para humingi ng payo. Nguni’t sa huling sandali, ‘di ko na itinuloy. Ikaw sana, kaya lang nagdalawang-isip din ako. Kakausapin mo kaya ako pagkatapos ng lahat ng nangyari? Naisip ko rin kung bakit ikaw pa ang tatawagan ko, madami naman akong kaibigan. Siyempre, iba kasi pag ikaw ang nakausap ko. Just like the old times. Sa bandang huli, ‘di ko na rin itinuloy ang pagtawag. Naisip ko na lang na hayaan na ang mga nangyayari sa buhay ko. Tutal, desisyon ko ito, pinili ko, kailangan kong panindigan.

Noong makilala ko si Gage, andaming nagbago. Nakalimutan ko ang tunay na kahulugan ng pangmatagalang kasiyahan. Nalunod ako sa bugso ng kapusukan. Huli na rin nang mapagtanto kong magkaiba ang kinalakhan naming kultura ni Gage. Andami kong naisantabi. At may mga pangakong hindi ko sinasadyang di-matupad.

Ako nga pala si Ingrid.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s