Ang Taong Naglalakad, Walang Pamasahe

Nakita mo na siguro akong naglalakad sa mga walkway sa paglipat-lipat ko sa mga mall sa Makati. Di naman ako social climber pero mahilig lang akong mag-mall. Bukod sa marami na akong nakikita, napapagana ko pa ang aking pagkamalikhain habang naglalakad. Kung minsan, naiisip kong gumagawa ako ng MTV ng kantang nagkataong napakinggan ko mula sa napakalakas na stereo ng dumaang dyip o ng cellphone ng kasabay kong naglalakad. Ewan ko ba kung bakit gustung-gustong tawaging MTV imbes na music video. Di lang naman MTV ang nagpapalabas ng mga music video, meron ding Myx, dati pa nga merong Channel V. Nakasanayan na siguro. O marahil don unang nakapanood ang mga Pinoy ng mga music video. Para ding Colgate para sa toothpaste o Xerox para sa photocopy. Pero Pinoy lang naman ang mahilig sa ganon. Ultimo nga mayayaman o ng mga matataas na opisyal ng gobyerno ay nakiki-xerox din o kaya ay nakiki-Kodak. Pero mas mabuting maging Jollibee na o Jabi ang fastfood kesa tawaging berjer, na ewan mo kung salitang banyaga ba o pauso lang na pagsabi ng pabaligtad sa kinakain ng beybi.

Siguro naman sa dami ng nabanggit kong produkto ay mababawi ko na ang anumang magagastos ko mula sa pagsusulat nito. Pero saglit lang, yung paggawa ko pa lang ng music video ang nababanggit ko. Naiisip ko rin kung minsan na isa akong modelong naglalakad. Ewan ko ba kung bakit naiisip ko yun. Di naman ramp models ang aking mga magulang. Dala lang siguro ng panonood ko ng TV. Iniisip ko na minsan, maglakad lang ako ay magkakapera na ako. Pero mahirap ata maging ramp model. Sa payat ba naman nila e baka mauna pa akong mailibing kesa sa pinakamabait na tao sa mundo. At maisip ko lang na limitado ang mga pwede nilang kainin ay parang sasabog na ang aking pantog at gusto kong magtago sa loob ng washroom. Ginamit ko ang washroom imbes na CR kasi baka marinig ako ng mga nagtatrabaho sa call center, ma-“yuck!” pa ako ng wala sa oras. Pinoy lang daw kasi ang tumatawag sa toilet ng comfort room o CR. Huwag mo nang itanong sa akin kung bakit at paano nangyaring magkaiba ang tawag at baka humaba pa ito. At saka di naman ako tatakbong Seneytor (para slang, tunog coño) kaya di ko na kailangang ipaliwanag pa.

Bukod sa paggawa ng music video at pagrampa, naiisip ko rin kung minsan na nagsu-shooting ako para sa aking pelikula. Iniisip ko ang lahat ng anggulo, ang lahat ng detalye, pati ang mga kasamang artista, at higit sa lahat, ang napakatinding istorya na pang-box office. Kasama ang lahat ng kasabay ko sa paglalakad. Sila ang mga dakilang extra na di man lang makikita ang mga pangalan kahit sa end credits. Isa lang naman ang dahilan kung bakit di maisasama ang kanilang mga pangalan. Ikaw, isipin mong ang bawa’t magdadaan e kukuhanan mo ng pangalan na parang slumbook sa high school. Baka pag naisama ang kanilang pangalan ay baka yun na lang ang panoorin ng tao sa sinehan. Paano pa kikita ang una kong pelikula? Siyempre gusto ko parang A Very Special Love sa haba ng pila sa mga sinehan, at masarap pagkuwentuhan pagkatapos panoorin. At buti sana kung ang mga pangalan lang ay Joy Sy, Ed Uy, o Kuh Co. Paano kung Bienvenido Hermenigildo Divinagracia na kinuha yatang inspirasyon ang pila sa tren pag rush hour sa haba. O kaya Jhakhelynne Creezseldha na parang kinuha na lahat ang H sa mundo at naisip ipangalan sa anak. Paano naman kaya babagay kapag ang apelyido ko ay Salumpuwit o Bagongluto?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s